EDITORYAL - Lipulin ang drug syndicates

NAKITA na kung gaano kalupit ang epekto ng ille­gal na droga sa buhay ng tao. Dahil sa droga kaya nabitay ang tatlong Pinoy sa China. Walang kapatawaran ang batas sa China kapag ang kasala- nan ay drug trafficking. Maraming nagdalamhati dahil sa pagbitay sa tatlong Pinoy drug mules.

Masakit ang nangyari. Pero para sa mga magu­lang (o kahit kanino) na ang mga anak o kamag-anak ay naging biktima ng bawal na droga o kaya’y nasira ang ulo dahil sa pagkalulong dahil sa droga, marahil papaboran nila ang ginawa ng China. Tumpak lamang na maging mahigpit sa drug traffickers. Kung hindi maghihigpit, paano malilipol ang mga salot? Kung hindi magpapairal ng parusang bitay laban sa mga drug trafficker, saan hahantong ang lahat? Masisira ang kinabukasan lalo pa ang mga kabataan. Ang problema sa illegal na droga ay hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo na.

Ngayon ay hindi lamang ang mga kabataan ang nalululong sa bawal na droga. May mambabatas, artista, basketball player, empleado, pulis, jeepney at tricycle driver at marami pa. Patungo sa pagkawasak ang mga buhay. Nasira ang pamilya at relasyon. Nawalan ng direksiyon ang lahat.

Tama lang ang ginagawang hakbang ng mga pinuno ng lungsod at bayan na isailalim sa drug testing ang kanilang mga empleado. Ito ay upang masiguro na walang gumon sa bawal na droga. Sa Muntinlupa na lamang, sinasabing 120 empleado ng city hall ang positibo sa paggamit ng bawal na droga. Paano pa sa ibang lunsod at bayan?

Nararapat lamang na ang mga mayor sa buong bansa ay magsagawa ng sorpresang drug test sa kanilang mga empleado. Ito ay upang masiguro na walang “bangag” sa munisipyo. Paano makapag­lilingkod sa taumbayan ang mga “bangag” sa “bato” at “damo”? Isailalim sa drug test para ma­ki­lala ang mga nasa kapangyarihan ng bawal na droga. Maging maigting din naman sa paglaban sa mga nagpapakalat ng bawal na droga. Makipagtulungan para malipol ang mga sindikato ng droga.

Show comments