Charter change para sa lahat

KAPAG nababanggit ang Charter change, tatlong rebis­yon ng Saligang Batas ang agad pumapasok sa isip. Ito ang parliamentary mula presidential form, federal mula unitarian structure, at pagbubukas ng ekonomiya. Lehitimong mga kosa ito, maaring sabihing pinaka-akma sa bagong panahon.

Pero miski mga maka-presidential ay nais mag-am-yenda para mapatatag ang anyo na gusto nila, Tatlong bagong probisyon ang maaari: (1) Otomatikong ibilang para sa kanyang Bise ang boto para Presidente; (2) Itatag ang two-party system na akma sa presidential, sa halip na multi-party na pang-parliamentary; at (3) Otomatikong runoff election ng dalawang pinaka-maraming boto na Presidente, para magka-majority vote, kung sakaling plurality lang ang nakamit nila.

Marami rin pagkakasunduang amyenda ang “presidentialists” at “parliamentarists”. Ehemplo, linawin kung ano ang political dynasties, upang maipagbawal na sa wakas. O kaya, tanggalan ng pangil ang mga kudeta sa pagbura ng probisyong “tagapagtanggol ng mamamayan” ang militar. Isa pa, alisin ang limitasyon sa pag-aari ng dayuhan sa utilities, eskuwelahan, minahan, at advertising.

Maraming suliraning nagmumula sa bulok na sistemang halalan. Sinuri ito ni dating Chief Justice at Come­lec chair Hilario Davide. May mga repormang kaya ilatag ng Comelec o lehislasyon, aniya. Pero meron ding dapat daanin sa Charter change. Ilan dito: gawing apat na taon ang termino ng congressman at local officials; paghiwalayin ang pambansa at lokal na halalan; ibawal ang pag-appoint sa halal na lokal na opisyal, kongresista o senador sa ibang posisyon sa loob ng termino; bukod sa pag­linaw at pagbawal sa political dynasties, magpataw ng matinding parusa; ibawal ang paglipat ng partido ng halal na opisyal sa loob ng termino; patatagin ang two-party system at sustentuhan sila ng pondo; at ibawal ang pagtanggap ng kontribusyong politikal mula sa dayuhan.

Show comments