BAGO idaos ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ay marami akong natanggap na feedback sa gaganaping halalan.
Nalaman ko na parang presidential elections ang kampanya sapagkat tambak ang posters at campaign materials. Maingay sa paligid dahil sa mga sasakyan na may mga public address system. Nalaman ko ito raw election na ito ang pinakamagarbo sa lahat nang barangay election. Nalaman ko rin na maraming kandidato para sa barangay chairman at kagawad.
Ang pinakagrabeng feedback na aking natanggap ay ang tungkol sa bilihan ng mga boto. At ito ay hindi lamang sa eleksiyon ng barangay kundi pati sa eleksiyon ng SK. Ang bayaran ng boto ay mula P500 kada boto. Maliban sa pera, mayroon pang ibang incentives tulad ng “good time”. Walang ipinagkaiba sa karaniwang eleksiyon na laganap ang bilihan ng boto.
Nalungkot ako sa nangyayaring kabuktutan sa SK elections. Hindi dapat hayaang ma-exposed ang mga kabataan sa dayaan at bilihan ng boto. Huwag ilantad sa kasamaan ang mga bagong lider ng barangay. Kaya kung ako ang tatanungin dapat buwagin na ang SK. Mas mahirap kung sila ang mamumuno sa bansa sapagkat maagang nalantad sa kabuktutan.