ISA sa bawat dalawang botante ay kumpiyansang lilinis ang eleksiyon kung computerized, kumpara sa lumang paraan. Gayun din, na masugid ang paghahanda ng Comelec sa kauna-unahang pambansang electronic balloting. Resulta ‘yan marahil ng magandang public relations ng Comelec at ng Smartmatic na nagbenta ng P7.2-bilyong automated election system.
Pero kabado ang information-technology experts. Sila ang nakakaintindi. Para sa kanila panganib ang hinaharap ng bansa dahil: Kulang sa kaalaman ang Comelec. Bukod du’n, butas-butas ang seguridad at teknolohiya ng precinct count optical scanners ng Smartmatic.
Halimbawa: Inalis ng Smartmatic ang vote-verification feature ng PCOS. Ito ‘yung paglitaw sa screen ng mga napiling kandidato ng botante bago isubo ng PCOS ang balota. Nang i-off ito ng Smartmatic, nawalan ng pagkakataon ang botante na tiyakin na tama ang pagbasa ng computer sa kanyang balota. Inalis din ng Comelec ang ultraviolet reader ng PCOS. Gagamit na lang ng U/V lamps para makita ang secret marks ng genuine na balota. Pero miski may U/V lamps, maari pa rin sabihin ng tiwaling opisyal na peke ang balota, para hindi makaboto ang kilalang kalaban. Inalis din ng Smartmatic sa proseso ang electronic signatures ng tatlong miyembro ng Board of Election Inspectors sa presinto bago i-transmit ang resulta sa canvassing center. Kaya maari nang mapeke ang precinct tallies.
Ilan lang ito sa dose-dosenang kapalpakan sa automation na sinuri ng IT experts. Panukala nila, ituloy ang automated balloting. Pero magdaos ng parallel manual count bago mag-canvassing. Hindi lahat ng boto ang rerepasuhin, kundi ‘yun lang sa Presidente, Bise, at Mayor. Sa gan’ung paraan, magiging kapani-paniwala ang resulta sa pambansa at lokal.
Konting oras lang ang kakainin nito; tan- tiya ng IT experts ay tatlong oras. At mura lang, mga P300 milyon, kumpara sa pakinabang.
Mahalaga ang parallel manual count para katanggap-tanggap ang resulta ng halalan. Kasi kung hindi, tiyak magkakagulo ang bansa.