Mga babalang 'di dapat isnabin!

MAHIRAP kitain ang pera, hindi ito basta hinihingi o kinukuha lamang. Ang iba, dugo’t pawis ang ipinupuhunan upang kitain anumang halaga nito.

Subalit para sa grupo at miyembro ng Budol-Budol gang, parang prutas lamang ito na pinipitas sa puno. Walang sinasaktan, walang sinusugatan kundi may kawilihang ibinibigay pa ng kanilang biktima.

Simula Lunes ng linggong ito, nagbigay na ng babala ang BITAG na mag-ingat sa lansangan. Huwag makipag-usap sa estranghero at maging alerto sa bawat nakaka­salubong.

Araw-araw, maririnig sa programang BITAG Live     ang mga estilo ng bawat modus sa kalsada at tips kung paano umiwas dito. Ito’y dahil sa sunod-sunod na paglapit ng mga nabibiktima partikular ng Budol-budol.

Hindi pa man natatapos ang linggong ito, dalawa na naman ang nabiktima at nagsusumbong sa BITAG   Action Center.

Dalawang ginang na parehong nalimas ang inipong pera sa banko sa paniwalang may isang milyong piso   ang bag na iniwanan sa kanila ng isang grupo ng Budol-budol.

Ang masakit dito, isa sa mga mister ng biktima, regular na nanonood ng aming programa.

Ayon pa sa ginang, habang nanonood ang kanyang mister sa aming programa, busy naman siya sa pagtitinda at naririnig naman daw niya ang mga babalang bina­banggit ko sa ere.

Naririnig niya nga subalit mistulang naging ingay lamang sa kanyang tenga ang tema sa aming programa dahil kinabukasan, hindi niya akalaing mabibiktima siya ng Budol-budol.

Nadala at nakumbinsi raw siya ng isang nag­pakilalang negosyanteng Intsik na bawat P30,000 na kanyang ilalabas, tu­tumbasan nito ng P50,000.

Pinakitaan pa raw siya nito ng backpack na puno ng lilibuhing pera na sa pakiwari nga niya’y isang milyong piso ang halaga.

Samakatuwid, walang pagtutol niyang naiwith­draw sa banko ang pinag­hirapan nilang mag-asa­wang ipunin sa tagal ng panahon.

Ang aral, kapag may tips at babala, makinig ng maigi. Isapuso at isaisip dahil mapaglaro ang pa­na­hon, isang araw, posi­bleng ikaw ang malagay sa sitwasyon na target bik­timahin ng mga ka­watan.

Huwag ipagwalam­ bahala ang mga babala, mabuti na ang sumunod at mag-ingat kesa maisa­han sa huli at matawag na biktima.

Show comments