“Sa halos dalawang dekada sa pagsusulat sa pagiging isang “media person” na nakalinya sa pagbibigay ng “public service,” napagtanto ko na hindi lahat na lumalapit para humingi ng tulong ay malinis ang mga kamay at totoo ang kanilang mga sinasabi.
Si Oscar ‘Oca’ Ardales 44 taong gulang ng San Mateo Rizal humingi ng tulong sa problema na kanyang kinasasangkutan.
Nobyembre 27, 2008 nakita ni Oca si Joshua Molina at Gilbert Luyon na nag-iinuman sa labas ng kanilang bahay.
Hindi umano pinansin ni Oca ang dalawa kahit na siya ay pinariringgan ng kung anu-ano.
“Umiiwas na lang ako sa kanilang dalawa dahil ayokong magkaroon ng alitan sa aking mga kapitbahay. Pinagsisigawan nila ako na dapat raw ay marunong akong rumespeto,”sabi ni Oca.
Naging palaisipan para kay Oca ang mga binitawang salita ni Joshua at Gilbert sa kanyang nung umaga.
Sa maghapon niyang trabaho ay binabagabag siya dahil ang pakiramdam nito ay may laman ang mga nasambit sa kanya.
Matapos ang mahabang trabaho sa bukid at bantayan ang kanyang mga alagang hayop ay nagpasya itong uminom.
Kasama niyang nakipag-inuman ang isa sa kanyang mga suki.
“Hindi naman ako lasing ng mga panahong iyon. Nakadalawang San Mig Light beer lang ako nun at alam ko pa ang mga ginagawa ko,” mariing na sinabi ni Oca.
Bandang alas dose diyes ng madaling-araw ng magdesisyon si Oca na umuwi na.
“Habang naglalakad ako may biglang bumato sa akin sa may kanang bahagi ng aking ulo,” ayon kay Oca.
Napansin ni Oca na dumugo ang kanyang ulo kaya naman agad siyang tumakbo. Hinahabol siya di umano ni Gilbert at Joshua dahil sa tindi ng galit daw nito sa kanya.
Isang kanto na lamang ang layo niya sa kanilang bahay ay may bumato ulit sa kanyang sa kaliwang bahagi at nagdulot ito ng pagkawala ng kanyang malay.
Nakita ng kanyang kapitbahay na sina Larry Reyes at Danny Macalino na naabutan at binubugbog ni Joshua at Gilbert si Oca.
“Hawak ni Joshua ang isang itak at balak akong patayin. Samatalang si Gilbert naman ay patuloy ang pagpukpok sa aking ulo ng bato,” pahayag ni Oca.
Agad nilang tinulungan si Oca sa kanyang pagkakadapa sa kalye at inawat ang kaguluhan kasama ang barangay.
Sumakay sa ‘barangay mobile’ si Joshua at Gilbert at dun nagpaliwanag kung ano ang nangyari.
Inireklamo ni Joshua na nanggugulo sa kanilang lugar ng mga panahong iyon si Oca.
Dinala naman ni Larry si Oca sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center upang masuri.
Ayon sa Medico Legal Certificate ni Dr. Noel Recidoro siya ay nagtamo ng ‘Positive alcohol breath, 3cm laceration right temporal area, Abrasion on both knee, Hematoma occipital area’.
Kinabukasan ay nagpunta naman si Oca sa barangay upang ipa ’blotter’ si Joshua at Gilbert sa mga ginawa umano nito sa kanya.
Nobyembre 29, 2008 nagpunta sa San Mateo Municipal Police Station si Oca upang magsampa ng kasong ‘Frustrated Murder’ laban kay Oscar at Gilbert.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Oca sa imbestigasyon ni P/INSP Michael Angeles, “Ang alam ko po ay dahil sa selos kaya niya nagawa sa akin yun dahil kapag nag-iinuman kami sa aming tambayan na malapit sa kanilang bahay na kung saan pinaghihinalaan ni Joshua kami ng kanyang misis.”
Lagi umano nakikita ni Joshua ang kanyang asawa na si Rhia Plaza na lagi nitong kausap sa may bakuran.
Enero 28, 2009 nagkaroon ng unang pagdinig ng kaso sa Prosecutor Office ng Rizal.
Pebrero 4, 2009 nagsampa ng kontra demanda ang panig ni Joshua laban kay Oca.
Nakasaad sa sinumpaang salaysay ng testigo nila Joshua na si Jonnie Flores, “habang nasa impluwensya ng alak si Oscar ay bigla siyang pumasok na walang pahintulot sa bakuran ni Joshua kung saan ako naninirahan. Sumisigaw si Oscar ng umalis na kayo diyan dahil hindi kayo tatagal sa inuupahan ninyo.
Hindi pa nakuntento si Oscar sa kasisigaw nambato pa ito sa aming bahay. Hindi namin siya pinapansin tuwing sumisigaw siya hanggang sa marami ng naapektuhan.
Tinanong ni Gilbert si Oscar kung anong problema ngunit sa halip na magpakumbaba at humingi ng tawad, hinamon pa niya si Gilbert ng suntukan at patuloy na sumugod.”
Mayo 28, 2009 matapos pag-aralan ang kasong isinampa ni Oca ay lumabas ang resolusyon na matagal na niyang inaantay.
Ayon kay Asst. City Prosecutor Marissa Dadulla Amos, hindi naman sa pangmamaliit sa akusado ngunit hindi kapani-paniwala na piliin ng isang babaeng may asawa ang matanda at lasengerong lalaki dahil sa ‘lack of credence’ na ‘dismissed’ ang kasong isinampa ni Oca.
“Muntik na akong patayin ni Joshua sa ginawa niya sa akin tapos magiging ganito lamang ang desisyon,” sabi ni Oca.
SA GANANG AMIN dito sa Calvento Files, kapag ang isang tao ay nasa impluwensya ng alak maraming bagay ang maaari niyang gawin na hindi nag-iisip.
Nang mga panahong yun nilamon ka ng demonyong espiritu ng alak. Hindi naman kaya Oca marahil naparami ang iyong na inom (hindi dalawang bote ng San Mig Lights) kaya’t pinag-initan mo ang iyong kapitbahay na wala naman ginagawa sa iyo?
Baka naman kursunada mo si Rhia kaya nung gabing yun ay nanggulo at pilit na pumapasok sa bakuran nila. Mabilis ka naman tumakbo nang makita mo si Joshua at si Gilbert. Ito ang naging dahilan ng pagkadapa mo sa kalye dahil sa sobrand kalasingan mo? Iyan ang nilalaman ng testimonya ng iyong mga kalaban.
Ano pa man yun, dahil lumapit ka sa amin tanggapan upang humingi ng tulong kaya naman rinerefer ka namin sa isang libreng abogado mula sa sa Public Attorney’s Office ng San Mateo Rizal upang matulungang gumawa ng Motion for Reconsideration sa kasong na dismiss.
Mga mambabasa ng “CALVENTO FILES” paulit-ulit kong sinasabi na ang isang testimonya para maging kapani-paniwala, hindi lamang ito dapat manggaling sa isang kapani-paniwalang “source,” kundi ang mismong testimoyang ito ay dapat kapanipaniwala.
Kayo na nagbasa ng storyang ito, kapanipaniwala ba si Oscar?
Nang tanungin namin siya sa sugat niyang tinamo sa pagtaga sa kanya ni Joshua sinabi niya na nakalimutan niya lang sabihin sa doktor kaya hindi nakasama sa kanyang medico legal certificate.
(Aba! papaano magsasampa ng Frustrated Murder sa isang tao kung wala ang pinaka importanteng bagay na nagpapatunay na ikaw ay tinangkang patayin.) (KINALAP NI DEN VIAÑA)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com