KASO ito ni Sam at Ed, mga security guard ng PVSIA. Nagtrabaho sila sa nasabing security agency mula 1988 at nakatalaga sa isang pabrika ng pagkain sa Laguna. Nang matapos ang kontrata ng pabrika at PVSIA noong 2000, hindi na sila binigyan ng bagong assignment. Hindi rin sila binayaran ng 13th month, overtime pay, holiday pay at wage differential. Naging dahilan ito ng pagsasampa ng reklamo ng dalawa sa DOLE regional office.
Bilang aksyon, nag-inspeksyon sa opisina ng PVSIA ang opisyal ng DOLE na si Carlos. Hindi naipakita ng kompanya ang payroll at daily time record ng dalawa. Naglabas ng “notice of inspection” si Carlos sa kinatawan ng PVSIA na si Julio. Pinaliwanag na mabuti ni Carlos kung ano ang nilalaman ng mga dokumento. Sinabihan din niya si Julio na sumunod sa mga patakaran at bayaran sina Sam at Ed o kaya naman ay sumulat sa DOLE regional office kung sakali at may reklamo sila.
Hindi nagbayad ang PVSIA. Hindi rin nito kinuwestiyon ang naging resulta ng imbestigasyon ni Carlos. Kaya naglabas ng kautusan ang direktor ng DOLE batay sa ulat ni Carlos noong Mayo 10, 2001, kung saan pinababayaran sa PVSIA at/o kay Julio ang halagang P206,569.20 para kina Sam at Ed.
Humingi ng rekonsiderasyon ang PVSIA ngunit hindi ito pinansin ng direktor ng DOLE. Nag-apela sila sa Kalihim. Ayon sa naging pasya ng Kalihim noong Hulyo 9, 2002, hindi naper-pekto ang apela dahil hindi nagbayad ng karampatang piyansa ang PVSIA/Julio na katumbas ng pinababayaran sa kanila. Ibinasura ang apela at idineklarang pinal na ang naging desisyon ng direktor ng DOLE.
Nang kuwestiyunin ng PVSIA sa CA ang desisyon, binaliktad ito ng CA. Ipinag-utos ng CA na bigyan ng pagkakataon ang PVSIA at si Julio na mag-apela sa DOLE. Ayon sa CA, maaaring magsumite ng mosyon ang PVSIA upang bawasan ang piyansa sa loob ng takdang panahon. Habang hindi pa ito inaaksyunan, hindi pa rin nagiging perpekto ang apela ng PVSIA. Ginamit pang halimbawa ng CA ang umiiral na patakaran sa NLRC sa isang kaso –- Star Angel Handicraft vs. NLRC, 236 SCRA 580. Tama ba ang CA?
MALI. Ayon sa batas (Article 128 Labor Code), sa oras na maglabas ng kautusan ang kinatawan ng DOLE at mababayaran ang award sa kompanya, ang apela nito ay magiging perpekto lamang pagkatapos magtatag ng cash o surety bond na katumbas ng halaga na pinababayaran sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng kautusan. Malinaw na sinasabi sa batas na tanging ang pagbibigay ng bond lamang ang paraan upang maging perpekto ang apela. Sa kaso ng PVSIA at ni Julio, aminado sila na hindi sila nakapagbigay ng bond noong mag-apela sila sa Kalihim ng DOLE. Dahil sa nangyari, malinaw na hindi naperpekto ang apela ng kompanya at naging pinal na ang kautusan ng direktor ng DOLE noong Mayo 10, 2001.
Ang mosyon upang hingin na bawasan ang bond ay hindi maaari sa mga apela na inaakyat sa Kalihim ng DOLE. Walang nakasaad sa batas na maaaring magsumite ng mosyon upang bawasan ang halaga ng bond. Nang ideklara ng CA na maaari ang mosyon ng PVSIA ay para na ring binago ng CA ang batas at pinakialaman ang kapangyarihang ibinigay sa kalihim ng DOLE.
Dalawa ang silbi ng pagbabayad ng bond. Una, upang siguraduhin na mababayaran ang empleyadong may kaso at pangalawa, upang maiwasan ang madalas gawin ng mga kompanya na mag-aapela para lang hindi agad bayaran ang kawawang empleyado. Hindi pabor sa mga empleyado ang ginawa ng CA. (Secretary of Labor etc. vs. Panay Veteran’s Security etc. G.R. 167708, August 22, 2008).