Nagbabatuhan din ng putik sina McCain at Obama

SA Nobyembre na ang eleksyon dito sa United States at habang papalapit nang papalapit ay tumitindi na ang nangyayaring siraan ng kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente. Panay ang banat ni Barack Obama at bumabanat din si John McCain.

Hindi ko aakalaing darating sa pagsisiraan ang dalawa sapagkat magkasama sila sa US Senate. Ang puri ko lang hindi nagbabastusan ang mga pulitikong Kano.

Si Obama bilang isang baguhang senador, ay isa sa mga humanga sa liderato ni McCain. Si McCain ay isa nang institusyon sa US Senate. Matagal na siyang nanilbihan bilang senador. Matagal ding nagsilbi bilang sundalo sa Vietnam war.

Sa banatan nina Obama at McCain, naalaala ko tuloy ang pulitika sa Pilipinas kung saan walang puknat ang batuhan ng putik ng mga magkakalaban. Tama ang kasabihan na “sa pulitika, walang permanenteng kaibigan at wala ring permanenteng kaaway”.

Ang siraan nina Obama at McCain ay hindi na lamang tungkol sa political issues kundi pati personalan. Ang pagkakaiba nga lamang dalawa ang major candidates sa pagka-presidente at bise-presidente samantalang sa Pilipinas ay napakaraming kumakandidato na lahat ay tinataguriang mga opisyal candidates. Dahil sa dami, hindi na matandaan ng mga botante ang itinataguyod na programa ng mga kandidato.

Sinusubaybayan ko ang mga pinoy dito sa US kung sino ang kanilang iboboto. Halos pantay ang mga boboto kina McCain at Obama. Sabi, dumarami ang lumilipat kay McCain dahil sa hatak ni Sarah Palin, ang vice presidential candidate ni McCain. Malalaman sa mga susunod na araw kung ano ang mangyayari.

Show comments