Huwag sisihin ang pobreng magsasaka!
Sa kalagitnaan ng problema ng biglaang pag-akyat ng presyo ng bigas dito sa Timog Mindanao, madaling naituro ng mga opisyales ng regional offices ng Department of Agriculture at maging ng National Food Authority na ang may kasalanan ay ang mga magsasaka.
Ano? Pakiulit nga. Magsasaka? Ang dali namang inabswelto ng mga opisyales na ito ang mga gahaman at walang-pusong mga negosyante na mapagsamantala sa pangkasalukuyang sitwasyon ng krisis ng pagkain, lalo na sa bigas.
Dahan-dahan naman kayo sa pag-akusa sa mga magsasaka. Kawawa naman ang ating mga magsasaka na naging biktima rin ng mga ‘di kanaisnais na pangyayari.
Humaharurot ang presyo ng bigas na umabot na rin hanggang P65 kada kilo, dito sa
At ang P18.25 kada kilo na NFA rice ay pinipilahan ng pagkahabahaba ng madla na ayaw paawat magdamag man o sa ilalim ng matinding init ng araw o ng malakas na buhos ng ulan, basta’t makamit lang nila ang minimithing dalawang kilong limit kada tao.
Kaya nga, unfair para sa mga magsasaka na sila ang sisihin sa mga nangyayaring pagbulusok ng presyo ng bigas dito. Paano kung sa kadadakdak ng mga opisyales ng pamahalaan dito eh, biglang kuyugin ng mga tao ang mga magsasaka? Bah, hindi na iyon tama.
Alalahanin ninyo ang kalagayan ng ating mga magsasaka. Isang kahig, isang tuka rin sila. Minsan nga puro kahig na lang sila at wala nang maituka dahil sa taas ng presyo ng pangunahing bilihin.Ni hindi nga kaya ng ating mga magsasakang bumili ng bigas na siyang produkto nila.
At tuwing anihan, lalo na tuwing ganitong panahon na pagbukas ng klase, ang ating mga magsasaka ay talagang gusto nilang ilabas lahat ng kanilang palay, ni sa kahulihulihang butil upang maidagdag man lang sa kikitain nila. Bibenta ng magsasaka lahat ng ani nila, na talagang simot sa kahulihulihang butil dahil iyon lang ang paraan para patuloy silang mabubuhay kahit naghihikahos.
At kung tutuusin din, sino ba ang may kapasidad na mag-imbak ng libu-libong sako ng bigas kundi ang mga mayayamang negosyante lang na naglalakihan ang mga bodega? Hindi ‘yon kakayanin ng ating mga magsasaka. Ni wala ngang maayos na tirahan ang karamihan sa ating mga magsasaka, bodega pa kaya?
Wala ring magagawa ang ating magsasaka dahil karamihan sa kanila ay nakatali ang mga kamay pati na mga paa sa utang nila sa mga gahamang negosyante na talagang sinasaid ang kanilang mga ani bilang bayad sa kung ano ang kinuha sa kanila ng mga magsasaka.
Tingnan naman ninyo ang naglakihang mga bodega ng bigas ng mga negosyanteng ito na punung-puno ng mistulang bundok ng saku-sakong bigas. Kung tingnan ng maayos ang mga nakaimbak na bigas, karamihan pa ay walang maayos na ‘marking’. May iba pa ngang negosyante diyan na ang NFA rice nila binibenta sa mas mataas na halaga.
Mas matinding kasalanan ng mga negosyante ay hintaying muna nila aakyat pa ang presyo ng bigas bago sila magpapalabas ng kanilang stock. Speculation ang ginagawa ng karamihan ng mga negosyanteng ito na lalong nagpapataas ng presyo ng bigas.
Sa isang salita, walang kapangyarihan ang ating mga pobreng magsasaka na magdikta ng presyo ng bigas na hindi
Hindi ko rin maintindihan ang NFA rito, Sinasabi ng mga opisyales nila na may maraming stock ng bigas. Sinasabi nila na ang inventory ay aabot pa ng limampung araw at may mga darating pang supply, ngunit bakit hindi sila makapagpalabas at makapagbenta ng nararapat sa mga mamamayan. Bakit hindi sila magbukas ng mas maraming NFA outlets upang maiwasan ang pagpila ng mga tao?
Lumalabas na para na ngang prinoprotektahan ng NFA ang interest ng mga walang-kaluluwang mga negosyanteng ito kaysa unahin ang kapakanan ng mas nakakarami.
At ito’y para na rin sa mga nasabing opisyales ng ating pamahalaan, maging ng mga Department of Trade and Industry, bago kayo magpatuloy sa inyong walang puknat na sisihan sa ibang tao, bakit hindi ninyo tingnan mga sarili ninyo na kayo mismo ang mas may malaking kasalanan sa nangyayaring krisis ngayon.
Tanggapin ninyo na naging inutil kayo sa pagsugpo ng laganap na pag-akyat ng presyo ng pangunahing bilihin, lalo na ng bigas. Naging pabaya kayo sa pagbantay ng galaw ng mga produktong bigas dito, na kayo mismo ay nabigla at hindi ninyo maipahayag ng maayos bakit ganun ang nangyayari.
Kayong magagaling na opisyales ng Agriculture Department, ng NFA, at ng DTI, tuwing nagtuturo kayo sa mga pobreng magsasaka na pinagbintangan ninyong may kasalanan sa parang rocket na pagtaas ng presyo ng bigas, tingnan ninyo na ang tinuturo ng tatlo sa inyong mga daliri ay ang inyong mga sarili.
Ibig sabihin, sisihin ninyo mga sarili ninyo dahil naging inutil kayo.
- Latest
- Trending














