^

PSN Opinyon

Reseta ng doktor: May branded ba dapat o wala?

K KA LANG? - Korina Sanchez -

NAPITAS natin at natikman ang bungang kalayaan mula sa mga naganap sa unang EDSA Revolution noong 1986.   Natuto tayo na puwede palang magkaroon ng pagbabago kapag sama-sama tayong nanindigan laban sa kasa­ maan at katiwalian. Sa madaling salita, naibalik ang de­mokrasya nang dahil sa Edsa. Pero may natutunan pa rin tayong lahat mula sa tagumpay ng EDSA. Natuto tayong mag­rek­lamo. Manakot. Magbanta. Ang mahi­rap niyan, lahat na lang ng di-sinasang-ayunan puwede nang ireklamo sa ganyang pamamaraan. Nabuo ang kultura ng pag­babanta.

At ganun na nga ang plano ng Philippine Medical Association na magsagawa ng “hospital holiday” (walang tatanggaping pasyente sa loob ng ilang araw kundi mga emergency na kaso lamang) kung ipapasa ang panukalang batas na magbabawal na sa lahat ng doktor na mag-reseta ng mga branded na gamot. Ayon sa batas, mga generic na pangalan lang ng mga gamot ang dapat ilagay sa mga reseta, at bahala na ang mamimili na pumili kung anong tatak ng gamot ang kaya nitong bilhin. Ang takot ng mga doktor, na kung hindi maganda ang mabiling gamot ng mga pasyente at may nangyaring hindi maganda na dulot nito, ang mga doktor din ang masisisi. Ayon naman sa isang grupong tinutulak ang nasabing panu­kalang probisyon sa Cheaper Medicines Bill, nasa pasyente na ang desisyon, at hindi sa doktor, na nagre­reseta lang ng mga gamot ng mga kompanyang “maalaga” sa kanila.

Kung bibili ako ng sasakyan, nasa akin na kung ano ang kaya kong bilhin. At alam naman natin na may mga sasakyang hindi tumatagal at sirain — pero mura nga. May mga sasakyang matitibay at maaasahan, pero may kamahalan naman ng konti. Meron namang sobrang mahal, na magagampanan naman ng mas murang sasakyan ang pangangailangan ng mamimili. Ganun din ang gamot.

May mga murang gamot na makapagbibigay na rin ng lunas at ginhawa sa nangangailangan nito. Tungkulin ng doktor na ipaliwanag ng mabuti sa pasyente kung ano ang mga gamot na kailangan, at nasa pasyente na ang desisiyon kung ano ang kaya niyang bilhin. Sigu­raduhin lang na talagang gumagana rin ang mga murang gamot na iyan.

Sa puntong ito ay masasabi ring walang masama kung mag-endorso ang doktor ng pinagkakatiwalaan niyang brand.  Eh paano?  Yun ang tingin niyang pinaka­mabuti para sa pasyente. Tila kalayaan ng opinyon din ang umiiral dito, di ba?  At nagpupunta ang pasyente sa doktor dahil pinagkakatiwalaan nito ang opinyon ng doktor hindi ba? Kung pipigilan ang doktor sa opinyon niya, magsunuran na rin kaya ang iba pang pagsisikil ng opinyon ng mga guro sa kung anong libro ang babasahin ng estudyante?  O pagpigil sa contractor kung anong brand ng semento at pintura ang bibilhin ng nagpapagawa ng bahay?  Parang second opinion lang yan.  Kapag sinabi ng doktor na may taning na ang iyong buhay, magtatanong ka rin ng ibang opinyon.  Tulad din sa pagrereseta, may panukala ang doktor na branded pero dapat ilagay din ang ibang pagpipilian, lalo’t mas mura ang halaga.  Nasa batas na ang paglagay ng kaakibat na generics sa reseta. Dito makikita tila ang tunay na patas na pagpatupad sa batas.  May branded na gusto ang doktor.  Pero may generics din  para bigyang kalayaan ang pasyente na piliin kung ano ang gusto niya pag humarap na siya sa botika. 

Tila hindi masama ang magreseta ng branded.  Baka ang dapat kailangang pigilan ay ang paggastos ng mga pharmaceutical companies na suhulan ang mga doktor?  Eh kahit naman mawala sa doktor ang poder ng pagreseta ng branded — lilipat lang ito sa kamay ng mga nagbebenta sa mga botika di ba?  Ang mga ito naman ang susuhulan! Kaya ang dapat siguro bantayan ay yung mga nagsusuhol!

Samantala, sana naman ay huwag patagalin ng mga doktor nating kaibigan ang pagdamay sa pasyente sa problema nila sa gobyerno. Kung may opinyon  huwag naman idaan ang isang opinyon sa pagbabanta rin. Lalo na kung itutuloy nila ito.  Kung transport strike ay pasahero lang na di makararating sa pupuntahan ang apektado; kung mga guro ang mag-strike ay di lang makakapasok mga estudyante — eh kapag doktor ang magwelga, kalu­sugan at buhay ang katapat. 

AYON

CHEAPER MEDICINES BILL

DOKTOR

KUNG

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with