TAUMBAYAN na naman ang apektado sa ginawang pagkansela ng World Bank sa $232-milyong loan para sa pagpapagawa ng mga kalsada sa maraming lugar sa bansa. Ang dahilan ng pagkansela ng loan ay matinding corruption. Sabi ng World Bank, sa unang phase ng National Road Improvement and Management Program (NRIMP) ay nahaluan ng anomalya sa pakikipagsabwatan ng mga local contractor sa Chinese company na nanalo sa bidding.
Nakakahiya na naman ang Pilipinas sapagkat ang isyu na naman sa corruption ang nakabilad. Ang masakit, apektado ang karaniwang mamamayan sa ginawang pagkansela ng World Bank. Kung hindi matutuloy ang paggawa ng mga kalsada, lalo nang hindi uunlad ang mga bayan. Ang kalsada pa naman ay pinakamahalaga para gumalaw ang negosyo. Paano maita-transport ang mga produkto ng magsasaka patungong bayan kung walang kalsada. Paano maipakikita ang kagandahan ng mga lugar sa Pilipinas kung walang kalsadang dadaanan ng mga turista. Hindi kailanman gagalaw ang buhay sa mga liblib kung walang kalsada. Maski ang paglalagay ng kuryente ay mahirap kung walang kalsada.
Corruption na naman ang bukambibig at nakakahiya na ang ganito. Katatapos lamang ng maanomalyang NBN/ZTE deal ay eto na naman ang panibagong isyu na ang World Bank pa mismo ang nakadiskubre ng mga nangyayaring corruption. Ang NBN deal ay batbat ng kontrobersiya na pati ang asawa ni President Arroyo ay nakaladkad ayon sa pagbubunyag ng anak ni House Speaker Jose De Venecia. Ibinasura ni Mrs. Arroyo ang kontrata sa Chinese firm ZTE. Kung hindi nabuking ang anomalya, ang taumbayan ang kawawa sa pagbabayad. Makukuba sila sa pagbabayad na hindi nila alam kung ano at para saan ang binabayaran. Isa pa sa nakatakdang imbestigahan ng Senado ay ang NorthRail Project na nasasangkot naman si Speaker De Venecia. May nakikita ring anomalya sa proyekto na isang Chinese firm din ang nanalo sa bidding.
Sayang ang nakanselang loan na mahalaga pa naman para sa pagpapagawa ng mga kalsada. Kawawa na naman ang karaniwang mamamayan na apektado ng talamak na katiwalian. Kailan nga kaya masusugpo ng administrasyong Arroyo ang mga corrupt sa pamahalaan?