At dahil patuloy ang mag-asawa sa hindi pagbabayad ng kanilang obligasyon, naghain ng reklamo si Remy laban sa mga ito upang mabayaran ang inutang at accrued interest at attorney’s fees. Bilang ebidensiya ng reklamo, isinumite ni Remy ang promissory note at ang sulat ni Tessie sa kanya upang patunayan na sumang-ayon ang mag-asawa sa pagbabayad ng buwanang interes. Inako man ng mag-asawa na nakatanggap nga sila ng P130,000 mula kay Remy, itinanggi naman ng mga ito ang interes. Iginiit ng mag-asawa na nagbabayad sila ng P6,500 kada buwan subalit ang halagang ito raw ay para sa pag-aayos ng halagang natanggap nila mula kay Remy para sa kanilang pamumuhunan dito bilang parte nito sa kita. Ayon pa sa mag-asawa, umabot na raw sa P123,000 ang kanilang naibayad.
Gayunpaman, pumabor ang Metropolitan Trial Court (MTC) kay Remy at inatasan sina Greg, Tessie at Rosie na bayaran si Remy ng P130,000 at accrued interest na 5% kada buwan mula April 1994 hanggang lubusang makapagbayad ng utang pati na attorney’s fees. Ang desisyong ito ay kinumpirma ng Regional Trial Court (RTC) at ng Court of Appeals (CA). Ngunit kinuwestIyun nina Greg at Tessie ang desisyon dahil nagkamali raw ang CA nang hindi nito inaplay ang Article 1956 ng Civil Code na nagsasabing hindi dapat magbayad ng interes kapag hindi ito naisulat at napagkasunduan ng mga partido. Tama ba sina Greg at Tessie?
MALI. Ang sulat ni Tessie kay Remy ay isang katibayan ng pagsang-ayon nilang mag-asawa sa pagbabayad ng buwanang interes, hirap man sa kanilang kalagayan. Samakatuwid, tama ang CA nang sumang-ayon ito sa naging desisyon ng RTC na si Remy ay may karapatan na mabayaran ng interes sa halagang inutang sa kanya. Ang napatunayang pangyayari ng mababang hukuman na kinumpirma ng CA ay matibay at konklusibo (Spouses Rustia vs. Rivera G.R. 156903, November 24, 2006).