Ngunit kelan ba talaga masasabi natin na lutas na ang isang krimen? Mga biktima ng krimen at ang kanilang mga kaanak ay hindi magdadalawang isip na sumagot na kapag nahuli na ang suspek na naikulong na.
Kaya naman naiintindihan namin dito sa "CALVENTO FILES" kung bakit hindi humihinto ang mga mahal sa buhay ng isang taong naging biktima ng krimen. Bagkus, tinututukan pa namin ito nang lubos na pagtulong namin sa ngalan ng Serbisyo Publiko.
Nagpunta sa aming tanggapan si Leonicio Sigua ng Ugong, Valenzuela upang humingi ng tulong na mahuli ang mga suspek na pumaslang sa mga magulang, Laurio at Hulita Sigua at nagtangka ring patayin ang kanyang kapatid.
Tubong Carmen, Cotabato ang mga Sigua. Tahimik na namumuhay at abala lamang ang mga ito sa pagtatanim at alam sa kanilang pag-aaring lupain. Kilalang mabait, maunawain at mahusay makisama ang mag-asawang Laurio at Hulita.
Bago maganap ang insidente, nais ni Laurio na ipaayos ang kanilang bahay kaya naman kinausap nito ang isa sa mga suspeks, Ikot Manigo na gumawa dito. Nagbigay si Laurio ng paunang bayad kay Ikot dahil sa kahilingan nitong maibigay kahit na hindi pa ito nagsisimula sa paggawa. Muli na namang bumale ito ng pera at pinagbigyan pa rin subalit hindi pa rin ito nakakapagsimula sa paggawa.
Sa tuwing tatanungin ni Laurio si Ikot kung kailan nito uumpisahan ang paggawa palagi na lamang nitong pinangangakuan. Nagalit na ang biktima sa suspek dahil sa paulit-ulit na pangako nito hanggang sa hindi naman naayos ang kanilang bahay. Dahil likas ang kabaitan ni Laurio, hindi na lamang nito inusisa pa si Ikot.
Ang isa pang suspek dito ay si Franklin Ganiwan na isang sundalo at bayaw ni Ikot. May tindahan ito sa kanilang bakuran kung saan katapat lamang nito ay ang bahay ng mga Sigua.
Kilalang matapang at naghahari-harian sa kanilang lugar si Franklin. Ilag ang mga tao sa kanilang lugar dahil sa sundalo ito. Minsan ay napagbintangan si Niño na dinistrongka at may ninakaw sa tindahan ni Franklin.
"Gawa-gawa lamang nila ang ibinibintang nila sa pamilya ko. Pinagtangkaan na niya itong barilin pero mabuti na lamang hindi natamaan. Magmula ng mangyari ito lagi ng pinagbabantaan ang pamilya ko ng mga suspeks," kuwento ni Leonicio.
Buwan ng Nobyembre 2004 pinagbantaan ng mga suspeks ang pamilya Sigua. Sinabihan naman ni Rosemarie, kapatid ni Leonicio na ireport ang pagbabanta sa pulisya subalit tumanggi si Laurio. Katwiran nito ay hayaan na lamang ito at isa pay magkakamag-anak naman sila.
Hindi naman natahimik ang mga Sigua sa mga natatanggap nilang mga banta at pananakot sa mga suspek.
Ika- 31 ng Disyembre 2004 bandang alas-5 ng hapon, nakita ni Rodolfo Sigua, kapatid ni Laurio, na bitbit ni Ikot ang kanyang baril. Hindi nito alam na nagpaplano na ito laban sa pamilya ng biktima.
Alas-9:30 ng gabi sa bahay ng mga Sigua sa Brgy. Kimadzil, Carmen, Cotabato naganap ang insidente. Nakaupo noon si Niño, isa sa mga biktima malapit sa kanyang kuwarto habang ang ina naman nito ay abala sa paghahanda ng kanilang Media Noche.
Nagulat na lamang sila nang may biglang nagpaputok ng baril. Napahandusay si Niño sa sahig at nakita naman niya ang kanyang ina na sugatan na at may tama na ng bala.
Kitang-kita nito si Franklin na nasa labas ng kusina, dala ang baril nito at patungo sa kinaroroonan ni Niño. Sinikap naman nitong tumayo at makatakbo dahil sa takot niya. Nais din niyang iligtas ang sarili sa posibleng kamatayan nung mga oras na yon. Subalit hindi naman siya nakaligtas sa tama ng bala ni Franklin. Tinamaan ito bandang pigi nito subalit hindi naman siya natinag sa pagtakbo upang iligtas ang sarili.
Nakahanap naman ng mapagkakanlungan si Niño. Doon ay nag-obserba siya sa sitwasyon sa kanilang bahay. Nakita naman niya si Ikot na papasok sa kuwarto ng kanyang ama at ini-lock pa ito gamit ang isang steel bar. Pagkatapos noon ay lumabas na siya sa kanyang pinagtataguan.
Agad namang pinuntahan ni Niño ang bahay ng kanyang tiyuhin, si Ellano Mansungayan upang humingi ng tulong sa nangyari sa kanila. Pinuntahan din ng mga ito ang ilang mga kaanak upang ipaalam ang nangyaring krimen.
Nang balikan nila ang bahay ng mga Sigua, wala ng buhay at may mga tama ng bala sa katawan ang mag-asawang Laurio at Hulita. Dinala naman sa ospital si Niño upang malapatan ang tinamo nitong tama ng bala.
Kasong Double Murder at Frustrated Murder ang isinampa laban sa mga suspeks na sina Franklin at Ikot.
"Sana mahuli na ang mga suspeks para malutas na ang kaso ng pagpapatay ng aking mga magulang at mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanila," pakiusap ni Leonicio.
Narito ang larawan ni Franklin Ganiwan. Masdan nyong mabuti ang taong ito baka nandyan lang siya nakatira sa paligid nyo.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng mga suspek maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.