Taon ng pagtitipid

Itong 2007 ay Year of the Pig

na ang kahulugan —- dapat ay magtipid;

Kung hindi ganito tayo’y magigipit

at marami tayong hindi makakamit!

Palibhasa’y baboy, iba ang ugali

Nang maraming tao na ating kalimpi;

Kung di magtitipid tatapong palagi

ang kaunting perang sa ati’y babati!

Pero itong baboy sa ating paningin

ay may ugali ring magandang manahin;

Ang trabaho nitong masarap kumain

lubhang kailangan ng mga sakitin!

At saka ang baboy laging nakayuko

kababuyan nila ay itinatago;

Di sila katulad ng maraming tao —

masamang ugali ay display pa nito!

Ang huling numero ay numero siyete

ang ibig sabihin ay mabuting s’werte;

Palakol ang hugis pahilig ang korte

kung kaya sa bukid ay saganang ani!

At saka ang siyete tingnan mo pare ko

mistulang palakol -— buwenas sa negosyo;

Kapag ibinaon sa lupang pangako

bubukal ang gintong doo’y nakatago!

Masdan mo ang baboy -— malaki ang tiyan

kung malaking bulas mabigat ang timbang;

Ito ay simbulo na dapat tandaan

tayo’y nahaharap sa kasaganaan!

Kabuhayan nati’y magiging sagana

at mababawasan ang mga sakuna;

Trahedyang matindi maaring mawala

kung ang mga tao’y magiging payapa!

Kaya ngayong 2007 naYear of the Pig

tayo ay matutong sa Diyos ay lumapit;

Kung kapanig Siya sa lahat ng saglit

tayo ay malayo sa sumpa ng langit!

Show comments