^

PSN Opinyon

‘Mano mano lang...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
SA ISANG LABAN na mano mano o suntukan lang, ang inaasahan dito ay ang mga kamao lang ang gagamitin sa pakikipagtunggali sa’yong kalaban.

Ang kasong ito ay nagsimula nang magmalasakit lang ang isang tao dahil nakita nito na ginugulpi ang isang bata at ang gumugulpi ay isang binata na. Dahil sa hindi patas ang laban sinubukan niyang awatin ito subalit siya naman ang binalingan.

Bagamat natalo ang biktima sa unang engkuwentro, pinabayaan at tinanggap na lamang nito ang pagkatalo subalit hindi dito nagtatapos ang istorya.

Inilahad sa aming tanggapan ni Marina Pecadizo ng Sta. Mesa, Manila ang kaso ng kanyang anak na si Jay Pecadizo, 23 taong gulang.

Binata ang biktima. Masunurin, palakaibigan, mabait at maawain subalit ang mga katangiang pala na ito ay magdudulot ng hindi maganda sa kanya.

Halos magkapitbahay lamang sina Jay at ang suspek na si Alexis Nervisa. Matagal nang magkakilala pero hindi naman sila magkabarkada.

Una nagkaroon ng away ang dalawang binata nang bugbugin ni Alexis si Jay. Ayon kay Marina, hindi naman ang anak niya ang nagsimula ng gulo. Nakita ni Jay na may inaaway si Alexis na mas bata sa kanya kaya sinabihan niya ito na huwag na itong patulan.

Dahil sa ginawang pakikialam ni Jay ay siya ang binalingan ni Alexis. Binugbog nito si Jay subalit walang nagawa ito upang ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Nalaman ni Marina ang nangyari sa anak at pinayuhan na magpatingin para malapatan ang mga sugat na tinamo nito.

Tumanggi si Jay sa payo ng ina. Hindi na rin sila nagreklamo upang huwag ng lumaki ang gulo. Hinayaan na lamang nila ang nangyari pero sinabihan ni Marina ang kanyang anak na mag-ingat at umiwas sa gulo para huwag nang maulit ang nangyari sa kanya.

Ika-16 ng Oktubre 2005 bandang ala-una ng madaling-araw sa Bacood, Sta. Mesa, Manila nangyari ang insidente.

"May nagsabi sa akin na may tumawag daw sa anak ko. Tinawag daw ito ni Alexis bago mangyari ang insidente. Ayon kina Jonar Caingal at Cristopher Tagle, mga saksi ay bigla na lang dumating ang anak ko. Nakainom daw ito at hinahamon na si Alexis," kuwento ni Marina.

Nais gumanti ni Jay kay Alexis mula sa ginawa nitong pambubugbog sa kanya. Lumapit ito sa grupo kung saan nakikipag-inuman si Alexis at hinamon niya ito ng mano-mano lang.

Samantala inawat naman nina Christopher at Jonar si Jay. Sinubukan ng dalawang ito na kausapin si Alexis. Inilayo na rin ng mga ito si Jay subalit muli itong bumalik at pilit na hinahamon si Alexis.

Hindi matanggap ni Jay ang ginawa ni Alexis sa kanya kaya nais niya itong gantihan sa pamamagitan ng pakikipagsuntukan dito. Sa pagkakataong ito ay pinagbigyan na ni Alexis ang hamon ni Jay. Habang nagsusuntukan ang dalawa, bigla na lang bumunot ng patalim si Alexis at inundayan ng saksak ang biktima.

Nang maramdaman ni Jay na may tama na siya ay sinubukan niyang tumakbo upang iwasan si Alexis subalit hinabol pa rin ito ng saksak. Pinagsasaksak ng suspek ang biktima hanggang sa humandusay ang katawan nito sa kalsada.

"Hindi na nakuhang maawat pa ang suspek dahil sa armado ito ng patalim. Matapos ang nangyaring krimen ay mabilis na tumakbo ang suspek papalayo," sabi ni Marina.

Nalaman na lamang ni Marina ang nangyari sa anak nang ibalita ito sa kanya ng isang kapitbahay. Sinabi sa kanya na nasaksak ang anak kaya naman agad niya itong tinunguhan. Wala man lang tumulong kay Jay marahil sa takot na baka sila naman ang balingan ng suspek, sabi ni Marina. Dinala sa ospital si Jay subalit binawian na rin ng buhay ito.

Nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban kay Alexis subalit hindi naman ito dumalo sa preliminary investigation para magsumite ng kanyang kontra-salaysay. Nag-file naman ito ng Motion to Reopen the case at napagbigyan ang kanyang kahilingan.

Mariin naman nitong itinanggi ang akusasyon sa kanya at sinabi nitong ang biktima ang may dala ng patalim. Hinawakan niya lang daw ang kamay nito at pagkatapos ay hindi na niya alam ang mga susunod na pangyayari.

Matapos ang imbestigasyon sa piskalya lumabas ang resolution at pumabor naman ito sa pamilya ni Jay. Kasong homicide ang isinampa laban kay Alexis. Subalit ayon kay Marina, wala pang arraignment ang kasong ito.

"Nag-aalok sila ng areglo pero tinaggihan ko ito. Wala akong balak na makipag-ayos dahil ang gusto ko ay hustisya para sa napaslang kong anak," pahayag ni Marina.

Umaasa ang pamilya ni Jay na mapabilis ang pagdinig ng kaso upang pagbayaran ng suspek ang ginawa nitong krimen. Masakit para kay Marina na nakikita nito ang suspek na malaya pa rin ito.

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor Citystate Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

ALEXIS

ALEXIS NERVISA

ANAK

JAY

KANYA

MARINA

NAMAN

SUBALIT

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with