PRO6, topnotcher sa evaluation ng PNP!
KUNG nakangiti sa ngayon si PRO6 director Brig. Gen. Randulf Tuaño may katwiran s’ya dahil topnotcher ang command n’ya sa performance kontra droga, illegal logging, illegal fishing, smuggling at sa wanted persons. Kaya’t ‘wag na kayo magtaka mga kosa kung nanatiling mababa ang crime rate ng Western Visayas dahil sa kasipagan ng mga tauhan ni Tuaño. Nagsagawa kasi ng operational performance evaluation ang Philippine National Police mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 13 at itinakbo lahat ng PRO6 ang mga top awards. Kaya’t sobrang buwenas itong mga Bisaya at ang primary goal ni Tuaño ay panatilihing mapayapa at tahimik ang rehiyon n’ya. Dipugaaaaa! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ayon sa evaluation ng PNP, nanguna ang PRO6 sa buong Pinas sa kampanya laban sa illegal logging, matapos magsagawa ng 77 operations na nagresulta sa pagkaaresto ng 33 katao. Maging kampanya kontra droga, nanguna rin ang PRO6 sa rami ng nakumpiskang shabu. Pumangalawa naman ang command sa anti-smuggling operations, na nagsagawa ng 268 operations, at ganun din sa illegal fishing kung saan 122 violators at nakapagtala pa ng pinakamataas na nakumpiskang kagamitan na umabot sa P6.38 milyon. Sa kampanya laban sa wanted persons, 105 nagtatagong kriminal ang naaresto sa maigting na manhunt operations sa buong rehiyon. Sanamagan! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Kulang pa ‘yan mga kosa! Kasi nitong Hunyo 13 at 14 tinatayang P927,870 halaga ng kagamitan sa pangingisda ang nasamsam sa iba’t ibang lugar sa Western Visayas. Nagsagawa ang PRO6 ng 10 anti-illegal fishing operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 17 katao at pagkakumpiska ng iba’t ibang kagamitang ginagamit sa iligal na pangingisda.“Ang tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na malasakit at matibay na paninindigan ng PRO6 sa pangangalaga sa yamang-dagat ng rehiyon, gayundin sa pagpapanatili ng kabuhayan at seguridad sa pagkain ng mga komunidad na umaasa sa pangingisda,” ayon kay Tuaño. Pinuri ni Tuaño ang mga operating units sa kanilang tagumpay sabay paglabas ng kautusan na ipagpatuloy lang ang pangangalaga sa yamang dagat ng rehiyon. Mismooooo!
Teka, teka! Ihabol pa natin ang pagkahuli ng mga operatiba ni Tuaño ng high-value target na si alyas Banny sa isang anti-drug operation sa Bgy. Camambugan sa Sta. Barbara, Iloilo nitong Hunyo 17. Nakumpiska sa suspect ang 1,145 gramo ng shabu na nagkakahalagang P7.7 milyon. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Abangan!
- Latest















