Dahil sa lumalalang problema sa illegal drugs, binabansagan na ang Pilipinas na paraiso ng mga drug traffickers. Ginagawang bagsakan ng shabu ang Pilipinas na karaniwang galing sa China, Hong Kong at iba pang bansa sa Asia. Paraiso nila ang Pilipinas sapagkat maluwag ang batas dito. Maluwag din naman ang seguridad. At ang pinakamatindi, maaaring tapalan ng pera ang mga awtoridad. Pera lang ang katapat sakali at mahuli ng pulis. Maski ang mga nakakulong na dahil nahulihan ng droga ay maaari pa ring makalaya basta may pera. Kagaya ng nangyaring pagtakas ng dalawang kilabot na drug traffickers sa Camp Crame ilang taon na ang nakararaan. Nilagari ang rehas na bakal ng kanilang selda at inakyat ang pader. May naghihintay nang sasakyan sa dalawang traffickers. Hindi na nahuli ang dalawa at wala na rin namang balita sa guwardiyang naka-duty nang tumakas ang dalawang bilanggo. Kamakailan, ninakawan ng shabu ang tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Camp Crame. Kilu-kilong shabu na umaabot sa bilyong piso ang natangay. Wala na ring balita sa nakawang iyon. Maaaring ni-recycle ang shabu at ibinenta muli.
Marami nang drug addict sa Pilipinas tinatayang nasa 9.3 milyong Pinoy na ngayon at karamihan ay lalaki. Bukod sa shabu, ginagamit din ang marijuana, rugby at ang designer drug na Ecstacy. Ang shabu ay nagkakahalaga na ng P5,000 per gram.
Hindi na biro ang problema sa illegal drugs at dapat nang maging mabilis ang pamahalaan kung paano ito mabibigyan ng kalutasan. Parami nang parami ang nasisirang buhay dahil sa illegal drugs.