Natagpuan umano ni Buenaventura ang bag malapit sa isang basurahan, dakong alas-onse ng umaga sa Tramo St. Galing umano siya sa kanyang bahay at nananghalian nang mapansin ang isang plastic bag sa may basurahan. Nagkaroon siya ng hinala na hindi pangkaraniwang basura ang bag na iyon kaya nilapitan niya at dinampot.
Nang kanyang bulatlatin ang bag, nakita niya ang maraming pera. Nakadama siya ng kaba. Pero sa halip na pag-interesan, agad niyang dinala ang pera sa tanggapan ni Rosario Vice Mayor Jose Rozel Hernandez para matulungan siyang hanapin ang may-ari. Ipinagkatiwala niya ang pera kay Vice Mayor Hernandez.
Nagbalik si Buenaventura sa lugar na pinagkakitaan niya ng pera at doon ay nakita niya ang umiiyak na si Carolina Distor na naghahanap sa pera. Doon sinabi ni Buenaventura na siya ang nakapulot at ipinagkatiwala niya ito sa vice mayor. Umiyak sa kasiyahan si Distor nang malaman ang lahat. Ang pera pala ay pambayad nila sa lupa at bahay na kanilang kinuha. Nahulog umano ang bag na may pera habang nakasakay silang mag-asawa sa motorsiklo. Dahil sa katuwaan, pinagkalooban ni Distor ng P10,000 si Buenaventura.
Sagad na sa kahirapan ang buhay ngayon subalit mayroon pang mabubuti ang kalooban na kagaya ni Buenaventura. Maipagmamalaki siya. Laging sasambitin ang pangalan dahil sa ginawang kabutihan. Mas mabuti pa si Buenaventura kaysa sa mga kawatan sa gobyerno na walang kabusugan at pinaghihirap ang bansa. Sana ay marami pang Buenaventura ang maghari sa panahon ngayon.