Kaarawan ng simbahan

SA lahat Simbahan ngayon ay ipinagdiriwang ang Pentekostes —- ang pagbaba ng Espiritu Santo sa mga apostoles, 50 araw pagkatapos mabuhay na muli si Jesus at 10 araw naman pagkatapos Niyang umakyat sa langit. At sa pagbaba ng Espiritu Santo, nabuksan ang mga isipan ng mga alagad ni Jesus. Naliwanagan sila sa mga dating ipinangangaral ng Panginoon sa kanila at nagsimula silang magkaroon ng lakas ng loob upang ipahayag ang Mabuting Balita.

Sa pagbaba ng Espiritu Santo, nagsimula rin ang misyon ng mga alagad at sa ganoon ay isinilang ang Simbahan —- ang katawan ni Jesus sa lupa.

Ang pagbaba ng Espiritu Santo ay ipinahayag ni Jesus sa kanyang mga alagad bago siya umakyat sa langit (Juan 15:26-27, 16:12-15).

"Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu ng katotohanan, ang paparito mula sa Ama. Susuguin ko siya sa inyo buhat sa Ama, at siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa’y kasama ko na kayo.

"Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya ako, sapagkat sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay akin; kaya ko sinabing sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo.’"


Matapat ang Diyos sa kanyang pangako at magpahanggang-ngayon, hanggang sa wakas ng panahon, ang Espiritu ng Ama at ng Anak, na si Jesus, ay sumasaatin upang samahan tayo sa ating paglalakbay hanggang sa makabalik tayo sa Ama.

Show comments