EDITORYAL Dagdag pulis, dagdag baril, e dagdag sahod?
February 1, 2006 | 12:00am
ISANG bilyong piso ang ibinigay ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa Philippine National Police (PNP) para ipang-hire ng mga bagong pulis at maipambili ng mga bagong baril. Bukod sa pag-hire sa mga pulis at pagbili ng mga bagong baril, bibili rin ang PNP ng mga patrol cars. Ang pagbibigay ng P1 bilyon ni Mrs. Arroyo sa PNP ay kaugnay sa ika-15 anibersaryo nito na ginanap noong Lunes sa Camp Crame. Ayon sa Presidente magha-hire ng 15,000 pulis, bibili ng 25,000 baril at 4,000 units ng patrol cars.
Tamang-tama ang pagbibigay na ito ng Presidente sa PNP para naman maisakatuparan ng mga pulis ang kanilang tungkulin sa mamamayan. Lubha kasing kaawa-awa ang kalagayan ng mga pulis na walang baril at hindi makahabol sa mga kriminal dahil sa kawalan ng patrol cars. Kung magha-hire ng mga pulis dapat lang talagang magdagdag ng baril. Sa kasalukuyan, natatalo ng mga masasamang-loob ang mga pulis sapagkat matataas na kalibreng baril ang kanilang gamit. Hindi makaporma ang mga pulis sa mga kidnapper, magnanakaw at holdaper sapagkat maiikli ang kanilang baril. Parang baril-barilan.
Malaking halaga ang P1 bilyon at marami nang magagawa para maisaayos ang PNP. Pero nakalimutan yata ng Presidente na dagdagan ng sahod ang mga alagad ng batas. May maganda ngang patrol car at baril ang mga pulis pero patuloy naman sila sa paghihikahos. Kumakapit sa patalim at nakagagawa ng kasalanan ang karamihan para lamang madagdagan ang kinikita.
Ang karampot na suweldo ng mga pulis ang isa sa mga dahilan kaya nagagawang mangotong, manghulidap, magprotekta sa mga drug lord, gambling lord ang mga pulis. Kung may sapat na kita ang mga pulis, hindi na siguro sila mapipilitang gumawa ng masama o ng iba pang kalokohan.
Kawawa naman ang isang pulis kung walang pamasahe. Naglalantad lamang sa dinaranas na kakapusan nila sa buhay.
Katulad ng pulis na si Police Inspector Rodelio Caballes ng Agusan del Sur PNP isang pulis probinsiya. Nakahahanga ang ginawa ni Caballes noong 1992 nang harapin niya ang may 30 miyembro ng New Peoples Army. Nag-iisang nakipagbarilan si Caballes sa mga NPA at nang mahawi ang usok, 11 NPA ang kanyang naitumba.
Pero nang magsadya si Caballes sa Maynila para tanggapin ang kanyang parangal, wala siyang pamasahe pabalik sa probinsiya. Mabuti at binigyan siya ng isang police official.
Dagdagan ang sahod ng pulis para hindi sila "kumapit sa patalim".
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended















