Sto. Niño

IPINAGDIRIWANG sa buong Simbahan ngayon at sa mga bayan-bayan sa Pilipinas ang kapistahan ng Sto. Niño. Ang imaheng ito ay unang dinala sa ating bansa ni Legazpi noong panahon ng mga Kastila. Subalit ang imaheng ito ay sumasagisag sa batang si Jesus. Tunghayan natin ang Ebanghelyo para sa araw na ito hinggil sa pagpapahalaga sa mga bata at pagkakaroon ng kalooban tulad ng isang bata (Mark 10:13-16).

May nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Jesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, "Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: Ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya." At kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila."


Mismong si Jesus ang kinakitaan ng pagmamahal at pagkagiliw sa mga bata. At karamihan sa atin ay magiliwin din sa mga bata dahil sa kanilang kawalan ng muwang at pagiging inosente. Datapwat alam din natin na maraming mga bata ang inaabuso, naabuso at pinababayaan ng kanilang mga magulang.

Ang aral sa atin ng Sto. Niño ay: ang magkaroon ng pananalig sa Diyos na tulad ng isang bata — ganap na pagtitiwala sa Ama, masunurin sa kalooban ng Ama at maibigin sa kapwa bata o tao.

Show comments