Nilabag ang Bouncing Checks Law

UMUTANG si Gilbert ng P500,000 sa isang Rural Bank. Dahil kumpare niya ang presidente at kababayan niya halos lahat ang mga director ng banko, agad niyang nakuha ang inutang. Bilang garantiya, nagbigay siya ng sariling tsekeng walang petsa na nagkakahalaga ng P500,000 din. Nang ibinigay niya ito sa manager ng banko noong November 16, 1989, pinaalam niya rito na ang tseke ay walang sapat na pondo sapagkat P40,000 lang ang balanse niya noon sa kanyang banko. Noong December 16, 1989 kung kailan dapat bayaran na niya ang utang, humingi siya ng palugit hanggang February 16, 1990. Sinabi na rin niya sa Rural Bank na petsahan na ang tseke ng February 16, 1990. Pagsapit ng February 16, 1990, humingi siyang muli ng palugit hanggang April 16, 1990 upang bayaran ang utang. Ngunit hindi pa rin siya nakabayad. At nang gamitin ng banko ang tseke niyang ibinigay pambayad, tumalbog ito dahil sarado at wala na siyang deposito sa banko niya. Kaya dinemanda siya ng Rural Bank sa salang paglabag sa Bouncing Checks Law.

Katwiran naman ni Gilbert, wala siyang sala dahil sinabi raw niya sa banko na walang pondo ang tseke niya nang ibinigay niya ito sa Rural Bank. Sinabi rin niya na P200,000 lang ang nakuha niya sa utang sapagkat ang P300,000 daw ay ibinigay niya sa comptroller ng Rural Bank. May kasalanan ba si Gilbert?

MERON.
Nagbigay siya ng tseke na walang pondo at alam niyang ito ay walang pondo. Ibinigay niya ito bilang kabayaran sa kanyang utang. Ito ang elemento ng pagkakasalang pinaparusahan ng Bouncing Checks Law. Kahit na alam ng Rual Bank na walang pondo ang tseke niya, hindi mahalagang sangkap ito sa pagkakasala. Pinaparusahan ng batas ang pagbibigay ng tsekeng tumalbog dahil walang pondo. Ang layunin ng Bouncing Checks law ay hindi upang pilitin ang isang tao na bayaran ang kanyang utang kundi supilin ang paglaganap ng mga tsekeng walang halaga dahil ito’y nakasasama sa pampublikong kaayusan.

Hindi rin mahalaga kung ibinigay niya ang bahagi ng inutang niya sa comptroller. Kung palilibrehin sa pagkakasala ang isang taong nagbayad ng talbuging tseke dahil lang may ibang kasunduang pumapaligid tungkol sa tseke, mabibigo ang layunin ng batas. (Rigor vs. People G.R. 144887 November 17, 2004)

Show comments