Isang linggo bago sumapit ang Mahal na Araw pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga magpapako sa krus na magpabakuna ng anti-tetanus serum. Pito ang nagpapako sa Bgy. Cutod, Pampanga samantalang meron ding nagpapako sa isang bayan sa Bulacan at ilan pa rito ay babae.
Ano ba ang tetanus?
Ito ay nakamamatay na sakit na dulot ng bacteriang Clostridium tetani. Karaniwan itong natatagpuan sa lupa lalo na sa mga may dumi ng hayop. Ang bacteria ay nakapapasok sa katawan sa pamamagitan ng pagdaraan sa sugat. Sa una, makararamdam ang may tetanus ng paninigas ng kanyang kalamnan lalo na sa bahaging malapit sa sugat. Sa katagalan ang paninigas ay mararamdaman na sa iba pang bahagi ng katawan. Makadarama na rin ng grabeng sakit sa katawan. Hanggang sa ang muscles sa mukha at panga ay apektado na rin at mahihirapang ibuka ang bibig at lumunok.
Apektado rin ang paghinga at ang pagpapawis nang may tetanus kaya maaari siyang mamatay sa asphyxia at exhaution. Magkakaroon ng mataas na lagnat at grabeng pagpapawis ang pasyente.
Ang may sintomas ng tetanus ay kinakailangang kumunsulta agad sa doktor upang mabigyan agad siya ng tetanus antitoxin. Maaari ring bigyan ng antibiotics ang pasyente subalit depende ito sa sintomas, edad ng pasyente at state ng immunity.
Inirerekomenda ang pagpapabakuna para sa anti-tetanus. Sa mga bata, tatlong anti-tetanus injections ang kinakailangan na may booster every 10 years. Delikado ang tetanus at nakamamatay. Kaya kung nasugatan ng kalawanging pako, o kaya ay naitapak ang paang may sugat sa tae ng kabayo o iba pang hayop, kumunsulta sa doktor at nang maineksiyunan ng anti-tetanus serum.