Ganito ang senaryong nakikita ngayon makaraan ang madugong assault. Inililigtas na ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) director Chief Supt. Arturo Alit ang kanyang sarili. Sa himig ng salita, ang sinisisi niya ay ang pamahalaan. Marami raw problema ang BJMP na noon pa niya ipinaabot sa pamahalaan subalit hindi siya pinakikinggan.
Ayon kay Alit, problema ng BJMP ang kakulangan ng mga jailguards sa Metro Manila Rehabilitation Center (MMRC). May kabuuang 1,248 na mga inmates sa Camp Bagong Diwa at ang nagbabantay lamang sa mga ito ay 429 guards. Ang NCR jails ayon pa kay Alit ay mayroong 21,987 inmates at ito ay tumataas pa.
Sinisisi pa ngayon ni Alit ang gobyerno dahil sa nangyaring assault sa Camp Bagong Diwa. At naghuhugas na siya ng kamay. Wala siyang kasalanan. Ang matinding sinabi ni Alit, ang nangyari raw ay magandang paraan para magising ang gobyerno at nang hindi na maulit ang pangyayari. Inililigtas ni Alit ang kanyang sarili para hindi mabagsakan ng sisi.
Tangkang tumakas ang mga Abu Sayyaf. Inagawan nila ng baril ang isang guwardiya at saka binaril ito. Ang isang guwardiya ay sinaksak umano ng metal spikes. Doon na nagsimula ang kaguluhan. Naglungga na ang mga miyembro ng Sayyaf at ayaw sumuko. Kinabukasan, dakong 9 ng umaga, sinimulan na ang assault at patay ang apat na lider at mga miyembro.
Wake up call daw sa gobyerno ang nangyari sa Camp Bagong Diwa. Alam ba ni Alit ang kanyang sinasabi? Bago ang pang-aagaw ng baril, nakita raw na may kausap sa cell phone ang Sayyaf leader na si Kosovo. Paano siya nagkaroon ng cell phone sa kulungan? Nang matapos ang assault ay nakita ang bangkay nina Robot at Global, nakita sa katawan nila ang mga baril. Paano nagkaroon ng baril ang dalawang terorista?
Ibig sabihin, masyadong maluwag ang mga guwardiya kaya nakapagpasok ng cell phone, baril at baka nga pati shabu. At paano rin nagkaroon ng bata sa loob ng bilangguan at ito pa ang unang tinamaan? Maraming katanungan ang dapat sagutin ng BJMP director. Hindi muna dapat sinisisi ang gobyerno at hindi agad dapat maghugas ng kamay.