Gamot kontra diabetes sa bata

MAKAMANDAG talaga ang diabetes. Kalahati sa mga namamatay na lalaki sa sakit – halimbawa, sa puso o sa atay – ay buhat sa diabetes. Ito rin ang sanhi ng maagang pagkabulag o panghihina ng buto.

Ang pinaka-kawawa ay ang child diabetics. Bata pa sila, malimit nang tusukan sa daliri ng blood tests at iniksiyunan sa braso ng insulin. Bawal sila mag-candy o soft drinks, di tulad ng mga kalaro. Ingat sila sa pagkain at kilos, para hindi atakihin o masugatan. Pero habang lumalaki, sila rin ang pinaka-malamang na mabulag o tamaan ng sakit.

Isa sa bawat 10 diabetics ay bata. Ang sakit nila ay Type-1; Type-2 ang dumadapo sa mga edad-45 pataas. Daan-daang milyong piso ang ginagasta ng mga magulang nila taun-taon kontra sa diabetes. Apat sa bawat P10 tustos sa gamot ay para sa kanila.

Biglaan kung tumama ang diabetes. Isang normal at malusog na bata ay bigla na lang matutuklasang may sakit pala. Malimit nagsisimula ito sa pamamaga ng pancreas, na sumisikil sa pag-produce ng insulin sa katawan. Hindi pa alam kung ano ang sanhi ng pamamaga – kung namana sa ninuno o depekto sa pagsilang.

May good news para sa batang diabetics. Ilang taon nang pinag-aaralan sa New York ang isang drug na nakakagamot at nakakapigil sa diabetes. Hindi lang ito basta pampababa ng blood sugar, kundi para ibalik sa normal ang pagtibok ng pancreas. Kumbaga, kinokontra ang pamamaga at pinaaandar ang internal organs.

Sinubukan na ang gamot sa mga daga. Pagsilang pa lang ng mga bubuwit, pinupog na ang mga ito ng asukal para magka-diabetes. Tapos, ininiksiyunan sila ng chemical na tinatawag na ISO-1 – at gumaling sila. Nag-genetic engineering din para isilang ang mga bubuwit na sira ang pancreas; kumbaga, malamang na magka-diabetes. Ininiksiyunan din sila ng IS0-1; 90% ay gumaling o kaya ay ni hindi nagka-diabetes.

Mahal pa ang gamot. Pero humahanap ng paraan para mapamura ang presyo. Malapit nang maging normal ang buhay ng batang diabetics.

Show comments