Isa sa mga nais mag-Presidente ang unang gumamit ng isyu para ibanat sa Malacañang. Ganyan kasi ang pulitika sa Pilipinas. Inaangat ng kandidato ang sarili sa pamamagitan ng paninira sa katunggali. Ang hindi niya alam, pati sarili ay pinabababa niya sa kahiya-hiyang-asal.
Ito ang facts: Madalas pumasyal ang retiradong opisyal sa dating opisina. Pinapapasok siya sa NAIA control tower dahil mga dati niyang tauhan ang nandoon. Huli siyang pumasyal sa kataka-takang oras nang 11:30 p.m. nung Biyernes. Kasama niya si dating Navy officer Ricardo Gatchillar.
May dala silang mga baril, granada at bomba. Pinalayas ang ATO personnel sa tower. Nakipag-usap sa cell phone sa isang AM radio station. Punung-puno na raw sila sa kabulukan sa gobyerno.
Dakong alas-2 nang madaling-araw ng Sabado, sinabihan sila ng awtoridad na sumuko. Magsisimula nang magsidating ang domestic at international flights sa NAIA-2. Kailangan magiyahan ng traffic controllers sa tower ang mga eroplano. Mas kumpleto ang kagamitan sa main tower kaysa alternate tower. Hindi pumayag ang dalawa.
Bago mag-alas-3, nagpasya ang awtoridad na arestuhin ang dalawa dahil sa panganib na idudulot sa buhay ng mga pasahero at pinsala sa airlines kung i-divert ang mga eroplano sa Cebu o Clark. Papasok ang mga pulis sa main control room nang paputukan sila. Siyempre, kapag nasa panganib ang buhay ng pulis, ang standard operating procedure ay itumba ang sanhi ng panganib. Pinaputukan din ang dalawa, at fatal ang mga tama.
Huwag na sana pulitikahin ang insidente. Kung may angal sa kabuktutan, huwag daanin sa terorismo. Kundi, patay ka.