Kaso ng account executive

SI Pete ay pumirma bilang account executive sa kumpanya ng diyaryo kung saan makakatanggap siya ng 15% komisyon para sa direct advertisements at 10% naman kapag agency advertisements. Nakasaad din sa kontrata na ibibigay lamang ang nasabing komisyon kada kinsenas ng buwan kapag ang anunsyo ay bayad na ng mga kliyente. Kabilang din ang kanyang P2,000 monthly allowance kapag naabot niya ang P30,000 quota. Naatasan din siyang magsumite ng daily sales activity at monthly sales report upang i-monitor ito ng presidente, ng advertising manager at ng director nila. Gayunpaman, nakasaad sa kontrata na hindi siya empleyado ng kompanya at sa anumang oras, maaaring tapusin ng mga partido ang kasunduan 30 araw bago maging epektibo ang terminasyon sa pamamagitan ng isang written notice.

Makalipas ang dalawang buwan matapos ang 5th renewal ng kanyang kontrata, inabisuhan siyang tatapusin na ang kanyang serbisyo pagkatapos ng 45 araw.

Masamang asal daw ni Pete ang dahilan ngunit hindi siya binigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig.

Kaya, nagsampa siya ng kasong illegal dismissal sa labor arbiter at hiniling na mabalik sa trabaho kasama ang P500,000 bilang moral damages at P200,000 bilang exemplary damages.

Iginiit naman ng kompanya na hindi nila empleyado si Pete. Serbisyo lamang daw nito ang kanilang inupahan ayon na rin sa art. 1642 at 1644 ng Civil Code, kung saan maaring tapusin ng mga partido ang kasunduan matapos magbigay ng abiso 30 araw bago ang pagwawakas nito. Tama ba ang kompanya?

MALI.
Si Pete ay empleyado ng kompanya, patunay ang naging paraan nito sa pagpili kay Pete bilang empleyado; ang naging patakaran nito sa pagbibigay ng suweldo; ang pagkakaroon nito ng kapangyarihang tanggalin si Pete sa anumang oras; at ang pagkontrol nito di lamang sa magiging resulta kundi ang pamamaraan at iba pang detalye ng pagganap ni Pete sa trabaho. Patunay ng pinakamahalagang elemento ng kontrol ang pag-atas kay Pete na magsumite ng daily sales activity at monthly sales report upang mamonitor ang kanyang pagganap sa trabaho.

Bukod pa rito, si Pete ay isang regular na empleyado ng kumpanya. Ang pangangalap niya ng mga anunsyo bilang account executive ang naging dahilan ng patuloy na paglalathala ng diyaryo at operasyon ng negosyo nito. Anunsyo ang buhay ng diyaryo kaya malaki ang kontribusyon niya sa kompanya, kung saan kinilala naman ito ng kompanya nang papirmahin siya ng kontrata ng limang beses.

Bilang regular na empleyado, maaari lamang siyang tanggalin sa legal na katwiran at pagbibigay sa kanya ng notice at hearing. Subalit hindi ito tinupad ng kumpanya kaya ilegal ang naging pagtanggal kay Pete. Kaya, ibabalik siya sa serbisyo at babayaran ang kanyang komisyon mula sa araw na tinanggal siya hanggang sa pagbalik niya sa trabaho maliban sa moral damages dahil walang napatunayang bad faith o malice sa panig ng kumpanya (Paguio vs. NLRC et. al. G.R. 147816, May 9, 2003).

Show comments