Maraming nakatatakas na bilanggo

NITONG nakalipas na mga linggo ay maraming bilanggo ang nakatatakas. Iba’t ibang dahilan ang ibinigay ng mga awtoridad. Kesyo nakatulog o nakalingat ang jailguard. Meron din ang katwiran ay nilagare ang rehas na bakal.

Hindi pa natatagalan 10 bilanggo ang nakatakas sa kanilang detention cell sa Dasmariñas, Cavite. Ilan sa mga tumakas ay may mabibigat na kaso. Madaling-araw nang sila’y tumakas sa pamamagitan ng paglagare sa rehas na bakal.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagtakas ng tatlong drug pushers sa Quezon City Jail. Nilagare rin ang bakal na rehas kaya nakatakas.

May mga tumakas din sa Pasig City Jail subalit nahuli rin. Batay sa imbestigasyon, naging pabaya ang jailguard.

Dahil sa pagsisiksikan ng mga bilanggo sa Mandaluyong City Jail kaya naging madali ang pagtakas ng limang bilanggo kamakailan. Hindi naman nagtagal at nahuli rin ang mga tumakas.

Bakit nakatatakas ang mga bilanggo? Pabaya bang talaga ang ilang bantay o baka naman sila ay nababayaran kaya nakatatakas ang mga bilanggo?

Show comments