Maaaring tama ang desisyon ni GMA na hindi na siya tatakbo sa darating na 2004 elections. Subalit sa tingin ng marami, imbes na mag-unite na tayong mga Pilipino gaya ng panawagan ni GMA para isulong ang ekomoniya ng ating bansa ay lalong nagkawatak-watak pa dahil sa magugulo nating pulitiko. At sa tingin ng mga nakausap ko, may puwersa talagang gustong hatakin pababa ang gobyerno ni Arroyo kahit anong ganda pa ang ginagawa at mga programa nito.
Ang pagpatay kay dating NPA leader Romulo Kintanar ay malalim ang motibo. Maraming motibo ang kumakalat subalit marami ang naniniwala na ang kaso ni Kintanar ay mapabilang na naman sa mga unsolved crimes sa liderato ni GMA. Mapapasama ang kaso ni Kintanar sa pagpaslang kina YOU spokesman Baron Cervantes, dating NPA leader Popoy Lagman at Supt. John Campos. Kung titingnan kasi ang mga pangalan sa itaas, mapupuna na mga leftist at rightist o reactionary ang mga pinatay. Bakit? May nangyayari bang malalim na hindi alam ng sambayanan?
Maging mga ordinaryong Pilipino ay hindi rin ligtas sa liderato ni GMA. Babanggitin ko na ang kaso ng actress na si Nida Blanca at ang Ateneo law graduate na si Jose Ramon Llamas na maaring mapabilang na rin sa kaso ng mga unsolved crimes. Ang mga biktima nga na kung tutuusin ay galing sa mga mayamang angkan o may kakilala sa gobyerno eh hindi malutas-lutas ang mga kaso, paano na lang ang sa ordinaryong mamamayan? Di wala silang mahihita sa gobyerno ni GMA, di ba mga suki?
Kung subaybayang maigi ang kaso ni Kintanar, mukhang huli na ang patutsada ng mga top cops at military natin. Ang sabi nina Defense Secretary Angelo Reyes at PNP intelligence Chief Supt. Robert Delfin matagal na nilang naulinigan na may mga threats sa buhay ni Kintanar. Kung kailan patay na ang tao tsaka pa sila nagpuputak. Ang tanong ko lang kina Reyes at Delfin, ano ang ginawa nyo para mahadlangan ang tangka nga sa buhay ni Kintanar? May maitutulong ba yang kadadakdak nila sa kaso?
Dapat siguro ang gawin ng pulisya at military natin ay tumahimik na lamang at habulin ang mga salarin ni Kintanar hanggang makalaboso ang mga ito. Tulad ng kaso nina Cervantes, Lagman, Campos, Blanca at Llamas, panay mga pangakong nababaon lang sa limot ang natatanggap ng pamilya ng mga biktima sa gobyerno ni GMA.
Sa tingin ng mga nakausap ko, hindi matatapos sa kaso ni Kintanar ang patayan sa ilalim ng liderato ni GMA. Ang tanong lang eh kung sino ang susunod na biktima? Alam kaya nina Reyes at Delfin? Aba, kumilos na kayo para mahadlangan ito!