Pagkain sa barrio

DINALAW ko si Tata Poloniong at gaya nang dati doon niya ako pinakain ng tanghalian. Wala ang kanyang asawa at mga anak. Komportable kami sa pagkain. Nakasalampak ako sa sahig at nakasandig sa dingding. Si Tata Poloniong ay nakataas ang isang tuhod na halos dikit sa baba. Ang kanyang kanang tuhod naman ay nakatupi subalit nakasalampak sa sahig.

"Ibang-iba na kapag kumakain ngayon ang mga kabataan ano? Hindi katulad noon. Noon, ang turo ng mga magulang ko, manahimik habang kumakain. Dahil sa itinulad ito sa huling hapunan ng Panginoon. Dapat ituring na banal at sagrado. Ngayon, sinasabi ng mga anak ko na dapat maging makuwento at maingay."

"Iyan ang tinatawag na makabagong pag-uugali at social amenities," paliwanag ko.

"Ngayon ay maraming bawal. Pati ako ay ayaw pagkamayin. Hindi raw magandang tingnan. E hindi ako sanay sa kutsara at tinidor dahil hindi ko malasahan ang pagkain," sabi ni Tata Poloniong.

"Para kang nakatapak sa numero kapag kumakain ngayon?"

"Oo Doktor. Lalo na kapag may mga bisita ang mga anak ko. Hindi ako makakain ng nakakamay."

Napahalakhak ako.

"Kapag pumunta ako sa inyo Doktor, makakakain ba ako sa bahay mo sa paraang gusto ko?"

"Bukas ang bahay ko Tata Poloniong. Bahala ang aking maybahay na ihanda ang mga paborito nating kuhol at talangka. Pero nangangamba akong ilalabas niya ang mga kubyertos, plato, baso at mga kutsara..."

"Ganoon ba? Balak ko pa namang magdala ng dahon ng saging para doon kumain."

"E di balutin natin at babaunin natin papunta sa bukid."

"Okey ka Doktor."

Show comments