Pansinin din ang water bill. Mahigit kalahati ng singil ay walang kinalaman sa tubig. Merong foreign currency losses, meter service charge, environment sewers charge, at walang-kawalang VAT. Ang masaklap, magtataas muli ang dalawang water concessionaires ng MWSS sa Metro Manila sa Agosto. E dalawang beses na sila nagtaas ng singil sa loob ng ilang buwan. Yung dating P100, naging P160. Ngayon, dodoble na.
Humanap sana ng paraan ang gobyerno para pababain ang singil sa teleponot tubig. Huwag nang hintaying sumabog ang poot ng bayan, tulad ng sa PPA.
Nang nag-ingay ang mahihirap at mayayaman kontra sa PPA, si President Arroyo mismo ang kumilos. Mula P1.85, nilimita sa 40 centavos per kilowatt-hour ang singil na PPA ng Napocor sa private distributors. Inipit din ng Energy Regulatory Commission ang balak ng distributors na magtaas ng singil nang 30 centavos per kwh. Lilinisin ng Department of Energy ang maruming kontrata ng 27 independent power producers.
Inawat din kamakailan ng Office of the Government Corporate Counsel ang balak ng isang malaking dam operator sa Central Luzon na magtaas ng singil sa magsasaka. Pinasosoli ng operator sa National Irrigation Administration ang binayaran niyang P1.7 bilyon na buwis. Pero imbes na cash ang isoli, payagan daw siyang singilin ito sa anyo ng water delivery fee sa loob ng 20 taon. Pero ang siste, P27 bilyon imbes na P1.7 bilyon lang ang kakabigin.
Kung nagagawan ng paraan ang presyo ng kuryente at patubig, kaya rin ayusin ang teleponot tubig.