Nag-away sa barko

KASO ito ng dalawang empleyado sa barko, si Nanding na second mate at si Pete na chief steward. Si Pete ay nasa ilalim ng superbisyon ni Nanding. Dahil papalaot na ang barko, inutusan ni Nanding si Pete at mga kasama nito na mag-report ng alas-sais ng umaga kinabukasan.

Hindi ito nagustuhan ni Pete. Halata sa mukha niya ang galit at tangkang pagsuway. Nakita pa ng ibang kasamahan na hinahawakan ni Pete ang manggo ng kanyang baril.

Kinabukasan huling nagreport si Pete sa kusina at hindi pa naka-uniporme. Sinabon siya nang husto ni Nanding at dinuru-duro. Pagkaraa’y lumabas na si Nanding. Ikinasa ni Pete ang baril at sinundan si Nanding at binaril. Ganoon man, nakuha pa ni Nanding na makipag-agawan sa baril at nasugatan din si Pete.

Namatay si Nanding samantalang nakaligtas si Pete. Ibinigay ng kompanya ang kaukulang kabayaran kay Nanding dahil sa pagkamatay nito ayon sa Workmen’s Compensation Law. Gusto rin ni Pete na bayaran siya ng kompanya dahil ang pinsala sa kanya ay kaugnay sa kanyang trabaho. Tama ba si Pete.

Mali.
Kapag nasaktan ang isang empleyado dahil sa hindi tamang pagsalakay at pananakit ng ibang tao na labag sa batas, ang kanyang kapinsalaan ay walang kabayaran sa ilalim ng batas. Wala sa layunin ng batas na panagutin ang kompanyang pinaglilingkuran sa pinsalang matatamo ng empleyado dahil sa krimen o maling nagawa nito. Ang pagsumbat ni Nanding kay Pete ay pagtupad lang sa kanyang tungkulin bilang superbisor ni Pete kaya nagkasala si Pete sa pagsalakay at pagbaril dito. Hindi siya dapat bayaran sa pinsalang tinamo niya. (Sierbe vs WCC 114 SCRA 762)

Show comments