Nasabi nga ng aking kaibigan na talaga sigurong napakahigpit ng security sa pagtitipon na ito ng mga pinakamataas na pinuno ng mga bansa sa Asia-Pacific. Aba eh kung may loko-lokong maghagis lamang ng isang granada sa gitna ng pagkukumperensiya ng mga ito, siguradong magugulo ang mundo lalot narito si Bush.
Salamat sa Diyos at maluwalhating nakaraos ang APEC conference. Sa katunayan, napakaganda pa ng kinalabasan sapagkat nagkaisa ang mga miyembro at sang-ayunan ang US sa pagtuligsa at pagsupil sa terorismo.
Sa tingin ng mga ekonomista at mga eksperto sa pulitika, malaki ang nagawa ng APEC conference. Bukod sa paghahayag ng suporta sa hakbangin ng US nailahad din ng mga miyembro ang kani-kanilang programa sa ikauunlad ng pangkalahatang ekonomiya. Ang bagay na ito ay binigyang-diin at niliwanag sa talumpati ni Chinese President Jiang Zemin.
Harinawang malaki rin ang pakinabang na nakuha ng Pilipinas sa katatapos na APEC conference. Sana nga ay time-out muna tayong mga Pilipino sa pamumulitika. Wala na munang parti-partido. Pagkakanya-kanya at batuhan ng putik. Magsama-sama na tayo upang harapin ang mga problemang humihila sa atin pababa.