Ang talinghaga ng pagkahuli

Ang kasalan ng dalawang magkababata ang itinuturing na pinakamasaya at kainggit-inggit sa kasaysayan ng nayon. Ang magkababata ay parehong bunga ng dalawang kinararangal na pamilya. Pareho silang nakapagtapos sa kolehiyo sa pagtataguyod ng mga magulang.

Mayroon lang isang problema. Ito ay ang madalas na pagkahuli ng babae sa halos lahat ng bagay. Hindi nagulat ang mga taga-nayon nang huling dumating ang babae sa kanilang kasal sa simbahan. Ang lalaki naman ang laging nauuna sa lahat ng bagay. Mabuti na lang at nakukuha nilang gawing biruan ang problema.

‘‘Nahuli ka sa ating kasal sa simbahan,’’ pabirong sabi ng lalaki. ‘‘Siguro huli ring darating ang ating magiging anak.’’

‘‘Oo nga mahal,’’ sagot ng babae, "at sana huli rin akong mamatay.’’

Matapos ang malaking salu-salo ng bagong kasal naghanda na ang mga ito para maglakbay papuntang Baguio para sa honeymoon.

Parang sinadya na nahuli na naman ang babae. Pagdating nila sa station ng bus ay nakaalis na ang kanilang sasakyan. Kailangan nilang maghintay ng dalawang oras para sa susunod na biyahe.

‘‘Dalawang oras uli tayong maghihintay,’’ sabi ng lalaki na hindi naman galit.

‘‘Pasensiya ka na sa akin, mahal,’’ mapakumbabang sagot ng babae.

Dumating ang bus na kanilang hinihintay at naglalakbay na sila patungo sa Baguio.

Namangha sila nang dumating sa Baguio. Guho ang mga gusali at sira ang mga bahay doon. Pati hotel na tutuluyan ay wasak. Ang gusaling anim na palapag ay naging isa na lang. Patay ang lahat ng nasa loob.

Kung sila ay dumating ng maaga ay masasama sana sila sa mga nadaganan sa loob ng hotel.

Utang nila ang kanilang buhay sa pagkahuli ng babae sa kanilang biyahe.

Show comments