BuCor alerto sa drone jailbreak
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Bureau of Corrections (BuCor) na mahigpit ang seguridad sa mga piitan kaya malabong makatakas ang sinumang preso gamit ang drone.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., itinuturing na no-fly zones ang lahat ng Operating Prison and Penal Farms at may mga watchtower na may tauhan 24 oras bawat araw upang agad matukoy ang anumang tangkang pagtakas gamit ang drone.
Bukod dito, nakabantay rin ang mga CCTV camera sa loob at paligid ng mga correctional facility. Sinabi ni Catapang na agad mapapansin ng mga guwardiya ang drone dahil sa ingay ng motor nito, lalo na kapag mababa ang lipad.
Maaari ring ma-record at masubaybayan ng CCTV ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa paligid ng mga gusali at restricted areas, na nagbibigay-daan sa mabilis na pagtugon ng mga awtoridad.
Ibinunyag ni Catapang na kabilang sa natukoy na umano’y planong pagtakas ng isang South Korean drug boss na dating nakapiit sa BuCor at na-turn over na sa South Korean government. Ayon sa opisyal, kabilang umano sa plano ang paggamit ng drone sa posibleng jailbreak, bagama’t itinuring niya itong malabong maisagawa dahil sa mahigpit na seguridad.
“Ito, itong Koreano na ‘to na na-deport, most wanted sa Korea ‘yan? Maraming pinatay. And then balita-balita, gustong gumawa ata pelikula to immortalize his escapades and illegal activities. So ‘yan ‘yang mga ginagawa nila. Pero, napakalabo, sobra pa sa-James Bond movie ‘yan,” dagdag pa ni Catapang.
Samantala, sinabi ni DOJ Undersecretary Ian Norman Dato na nadiskubre ang umano’y plano bago pa ito maisagawa at walang naitalang aktwal o kumpirmadong tangkang pagtakas. Dagdag ni Dato, patuloy na mino-monitor ng BuCor ang posibleng paggamit ng drone sa pagpapasok ng kontrabando, communication devices at iba pang ipinagbabawal na gamit sa mga kulungan, at nakahanda itong pigilan ang anumang pagtatangkang jailbreak.
- Latest

















