David Chua at Jerry Yan, pinagbiyak na bunga?

Hindi talaga maiiwasan ang comparison. Sa tuwing makikita ang actor / director / producer na si David Chua, marami agad ang napapalingon at napapasabi na parang si Jerry Yan lang ang kanilang nakikita.
Sa sobrang lakas ng kanilang pagkakahawig, matagal nang tinatawag si David na “Pinoy Dao Ming Si,” habang ang iba naman ay binansagan pa siyang “Oppa ng Bayan.”
Pero kung may isang bagay na gustong patunayan ni David, ito ay ang katotohanang hindi lang siya basta kamukha ng Taiwanese superstar. May sarili na rin siyang pangalan na unti-unti niyang binuo sa showbiz sa pamamagitan ng sipag, dedikasyon, at mga achievement na kinilala hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Unang nakilala si David noong 2008 nang mapasama siya sa ABS-CBN adaptation ng Korean drama na My Girl, kasama ang noo’y hottest love team na sina Kim Chiu at Gerald Anderson. Doon nagsimula ang kanyang tuluy-tuloy na paglalakbay sa mundo ng telebisyon at pelikula.
Hindi rin alam ng marami na may dugong German pala ang aktor. “Technically, ang surname ko dapat ay Kummer — David Kummer. Pero ang ginamit ko ay maiden surname ng mommy ko,” kuwento niya.
Dahil sa kanyang mestisong features, madalas din siyang mapagkamalang Korean kapag nasa ibang bansa. “Kapag nasa abroad ako, akala nila Korean ako. Nagugulat sila kapag sinasabi kong Pilipino ako,” natatawang sabi ni David.
Habang lumilipas ang panahon, hindi lang pag-arte ang kanyang tinutukan. Naging direktor, producer, at television personality rin siya.
Noong 2022, siya ang naging nag-iisang Pilipinong hurado sa prestihiyosong 13th SOHO International Film Festival sa New York City. Sa parehong taon at muli noong 2023, kinilala rin siya bilang Empowered Men and Women Philippines Awardee.
Hindi rin nagtagal at tumanggap siya ng Asia’s Man of Excellence in Entertainment Productions Award sa ginanap na International Leadership Awards sa Thailand.
Ngayong usap-usapan na naman ang F4 matapos ang kanilang concert sa Manila, bumalik din ang mga komento ng netizens tungkol sa pagkakahawig nina David at Jerry Yan. “Sana nga nakapag-backstage ako sa concert ng F4. Fan talaga ako nila. Siyempre kinikilig din ako kapag sinasabi nilang kamukha ko si Jerry Yan,” nakangiting kuwento niya.
Hanggang ngayon ay tuluy-tuloy ang mga proyekto ni David.
Isa siya sa mga direktor ng long-running lifestyle show na Rated Korina, at mapapanood din siya sa hit TV5 series na Mano Po Legacy. “Masaya ako na mapapanood ninyo ang Mano Po Legacy sa TV5. Isa ito sa mga project na talagang ipinagmamalaki namin,” aniya.
Sa kabila nang lahat ng kanyang natamong parangal, nananatiling simple at grounded si David. “Every project is an opportunity to grow—not just as an artist, but as a person. I’m grateful sa bawat pagkakataong makapagbigay ng inspirasyon at maipagmalaki ang Pilipinas saan man ako dalhin ng trabaho ko.” May isa pa siyang ipinasilip na aabangan ng kanyang supporters.
“May ginagawa kaming very special project ngayon at sana ay magsimula na ang production very soon. Abangan n’yo na lang po.”
At habang patuloy pa ring kinikilig ang mga fans sa pagiging “Jerry Yan look-alike” niya, mas gusto ni David na maalala siya hindi lang dahil sa kanyang hitsura, kundi dahil sa mga proyektong kanyang ginagawa at sa pangalan na unti-unti na niyang inuukit sa industriya.
- Latest




















