EDITORYAL - Utang sa taumbayan
MAY karapatan si Sen. Rodante Marcoleta na ipagtanggol ang sarili sa korte. May karapatan din ang kanyang mga tagasuporta na magpahayag ng saloobin at mag-rally nang mapayapa. Sa isang demokrasya, hindi dapat ipinagbabawal ang opinyon, protesta, o suporta sa isang akusado. Pero may isang bagay na hindi dapat malimutan: ang kaso ng isang public official ay hindi dapat timbangin sa dami ng taong nasa lansangan, sa lakas ng koneksyon, o sa impluwensiya ng grupong sumusuporta sa kanya. Dapat itong timbangin sa batas at ebidensiya.
Naghain ang Ombudsman ng plunder case laban kay Marcoleta kaugnay ng ?75 milyong campaign donation na hindi umano naideklara sa kanyang mga opisyal na dokumento. Kasama rin sa kaso ang alegasyong paglabag sa batas laban sa pagtanggap ng regalo ng mga opisyal ng gobyerno. Ayon kay Marcoleta, wala siyang ginawang mali dahil pribadong pera raw ito at natanggap bago ang campaign period. Sa huli, korte ang magpapasya kung may sala siya o wala.
Ngunit habang hinihintay ang proseso, may mas malaking tanong na dapat pag-usapan: gaano kalinis ang pulitika kung ang isang public official ay maaaring tumanggap nang napakalaking halaga mula sa iilang tao at pagkatapos ay sabihing ito ay tulong lamang ng mga kaibigan? Sa pribadong buhay, ang utang na loob ay maaaring tanda ng pasasalamat. Normal na magpasalamat sa tumulong. Ngunit sa public office, delikado ang utang na loob lalo na kung milyong piso ang pinag-uusapan. Ang isang senador o sinumang opisyal ay hindi ordinaryong pribadong tao. May kapangyarihan siyang gumawa ng batas, mag-impluwensiya ng polisiya, at magdesisyon na nakaaapekto sa taumbayan.
Kaya kapag may malaking donor, natural lang na magtanong ang publiko: ano ang kapalit? May hinihintay bang pabor? May aasahang proteksiyon? May impluwensiya ba ang pera sa magiging paninindigan ng opisyal?
Hindi sapat na sabihing “kaibigan ko sila” o “tulong lang iyon.” Sa public office, ang transparency ay hindi optional. Dapat malinaw kung saan galing ang pera, saan napunta, at bakit hindi ito naideklara kung kinakailangan. Dahil kapag malabo ang pera sa pulitika, lumalabo rin ang tiwala ng mamamayan.
Ang tunay na hustisya ay hindi selective. Dapat papanagutin ang lahat ng may kaso—kaalyado man o kritiko, sikat man o hindi, malakas man ang suporta o wala. Pero hindi rin tama na pigilan ang isang kaso dahil lamang maraming nagagalit at sumusuporta. Sa dulo, ang isyu rito ay hindi lamang si Marcoleta. Ang isyu ay ang klase ng pulitika na paulit-ulit na hinahayaan ng mga Pilipino: pulitika ng malalaking donasyon, personal na utang na loob, at paniniwalang sapat na ang impluwensiya para malusutan ang pananagutan. Ang public office ay hindi personal na negosyo. Hindi ito utang sa donor, sa kaibigan, o sa makapangyarihang grupo. Utang ito sa taumbayan. At kung may isang prinsipyong dapat manatili, ito iyon: ang opisyal ng gobyerno ay dapat unang tumanaw ng utang na loob sa mga Pilipinong kanyang pinaglilingkuran.
- Latest















