EDITORYAL - Ramdam ba ng mga Pilipino ang progreso?
KINILALA na ng World Bank ang Pilipinas bilang upper-middle-income economy. Magandang balita ito. Matapos manatili sa lower-middle-income status mula pa noong 1987, umakyat na ang bansa matapos umabot sa $4,850 ang gross national income per capita noong 2025. Sa papel, malinaw na may progreso. May paglago o pag-angat. May dahilan para kilalanin ang pagsisikap ng bansa.
Pero hindi dapat gawing tropeo lamang ang bagong label na ito. Ang mas mahalagang tanong: ramdam ba ito ng mga karaniwang Pilipino?
Ang GNI per capita ay average. Ibig sabihin, hinahati nito ang kabuuang kita ng bansa sa populasyon. Ngunit hindi nito ipinakikita kung sino ang kumikita nang malaki at sino ang walang ipon. Hindi nito nasusukat kung ilang pamilya ang baon sa utang, ilang manggagawa ang kulang ang sahod, ilang pasyente ang natatakot magpaospital, at ilang magulang ang nag-aabroad para mapaaral ang anak.
Kaya maaaring upper-middle income na ang bansa, pero marami pa ring Pilipino ang lower-income ang buhay. Mataas pa rin ang presyo ng pagkain, renta, kuryente, tubig at pamasahe. Marami pa ring manggagawa ang umaasa sa minimum wage na malayo sa tunay na living wage. Marami pa ring kabataan ang nangangarap ng magandang trabaho pero nahaharap sa kontraktuwalisasyon, mababang pasahod, o kakulangan ng oportunidad.
Mahalaga ring tingnan na bahagi ng pag-angat na ito ang ambag ng overseas Filipino workers. Kasama sa GNI ang kinikita ng mga Pilipino sa ibang bansa. Ibig sabihin, may bahagi ng magandang numero na galing sa sakripisyo ng mga pamilyang nagkakahiwalay dahil walang sapat na trabaho sa sariling bayan. Kung tunay ang pag-unlad, dapat ang pangingibang-bansa ay kagustuhan, hindi sapilitan.
May benepisyo ang bagong status. Maaari nitong palakasin ang tiwala ng investors, pagandahin ang credit profile ng bansa, at magbukas ng pinto sa mas dekalidad na trabaho. Ngunit may kapalit din ito: maaaring unti-unting lumiit ang access sa mas murang development loans at ilang uri ng tulong mula sa ibang bansa. Kung gayon, mas kailangan ngayon ng gobyerno ang maingat na paggastos, mas mahigpit na laban sa korapsyon, at mas malinaw na prayoridad sa edukasyon, kalusugan, imprastruktura at trabaho.
Hindi mali ang ipagdiwang ang pag-angat ng Pilipinas. Pero delikado kung dito matatapos ang usapan. Ang upper-middle-income status ay hindi sertipiko na maayos na ang buhay ng lahat. Paalala ito na mas mataas na ngayon ang inaasahan sa bansa. Ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang kung paano ang status natin sa international report. Ang sukatan ay kung kaya nang mabuhay nang disente ang pamilyang Pilipino, hindi laging kapos, hindi laging baon sa utang, at hindi laging kailangang umalis ng bansa para magkaroon ng pag-asa.
- Latest




















