MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na limang Pinoy ang kabilang sa mga pasahero ng isang eroplano na dumanas ng 10-oras na turbulence sa ere na iniulat na ikinasawi ng isa habang marami ang sugatan habang patungong Singapore, kamakalawa.
Ayon sa DMW, labis silang nababahala sa lagay ng mga naturang Pinoy, na hindi muna pinangalanan.
Batay sa ulat, sakay ang mga ito ng Singapore Airlines flight SQ-321 kamakalawa ng hapon at patungo sana ng Singapore, mula sa London, nang dumanas ng 10 oras na matinding turbulence sa kanilang biyahe.
Dahil dito, napilitan umano silang mag-divert ng flight at mag-emergency landing sa Bangkok, Thailand ang eroplano.
Tiniyak naman ng DMW na ang kanilang Migrant Workers Office sa Singapore (MWO-SG) ay masusi nang nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy in Bangkok (PE-BKK), Ministry of Foreign Affairs (MFA) ng Singapore, Suvarnabhumi Airport authorities ng Bangkok at mga airline officials upang matukoy ang lagay at kondisyon ng mga Pinoy.