BI nagbabala ‘summer fling scam’, target mga Pinay

Ang babala ay ginawa ni Tansingco matapos na makatanggap ang BI ng request for verification mula sa isang Pinay na ang American partner, ay sinasabing pinipigil sa paliparan ng mga awtoridad noong Mayo 15.
The STAR / Edd Gumban

MANILA, Philippines — Binalaan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang publiko laban sa mga “con artists” na gumagamit sa pangalan ng kanilang ahensiya upang makapanloko ng pera sa kanilang mga biktima o yaong “summer fling scam” na target ay mga Pinay.

Ang babala ay ginawa ni Tansingco matapos na makatanggap ang BI ng request for verification mula sa isang Pinay na ang American partner, ay sinasabing pinipigil sa paliparan ng mga awtoridad noong Mayo 15.

Batay sa impormas­yon, sinasabing ang naturang American partner ng Pinay ay pinagbabayad umano ng BI ng P40,000 bilang penalty matapos na dumating sa bansa na may dalang undocumented foreign currency sa kanyang bagahe, na lampas sa pinahihintulutang legal amount.

Nakatanggap din umano ang BI ng isang request for verification mula sa isa pang Pinay na ang Korean partner ay inaresto umano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa kapareho ring kadahilanan.

May isang peke pa umanong BI Facebook account ang nagpadala ng mensahe sa isang Pinay na nanghihingi ng kabayaran na 350 USD bilang multa.

Paglilinaw ni Tansingco, ang immigration ay hindi nakikialam sa mga incoming currency o bagahe, kaya’t ang naturang kautusan ay isang scam lamang.

Nabatid na ang mga verification requests hinggil sa mga ganitong kaso ay maaaring ipadala sa Facebook account ng BI na Facebook.com/officialbureauofimmigration o ‘di kaya ay sa pamamagitan ng kanilang hotline na +632 8 4652400.

Show comments