Komportableng damit sa mga guro at estudyante, pinayagan sa Maynila
MANILA, Philippines — Pinahintulutan ng Division of City Schools sa Maynila na magsuot ng mga komportableng damit ang mga guro at mag-aaral ng lungsod sa pagpasok sa eskwela, bunsod na rin ng napakainit na lagay ng panahon.
Layunin umano nito na mabawasan ang init na nararamdaman ng mga guro at mga estudyante habang nasa loob ng paaralan at nag-aaral.
Nakasaad sa Division Memorandum No. 123, series of 2024, na, “Teachers and students can wear more comfortable clothing aside from their regular uniforms to reduce the heat they feel while inside the schools.”
Gayunman, ang mga empleyado ng public schools ay dapat na sumunod sa mga tamang pananamit sa loob ng work place.
Alinsunod ito sa ilalim ng Civil Service Commission Memorandum Circular No. 19, Series of 2000.
Pinaalalahanan din naman nito ang mga punong guro na mayroon silang kapangyarihan upang magsuspinde ng klase o di kaya ay lumipat ng ibang learning modalities, gaya ng asynchronous classes, depende sa kanilang assessment sa sitwasyon sa kanilang mga lugar.
Paalala naman nito, ang face-to-face classes pa rin ang dapat na maging default modality sa lahat ng pagkakataon, maliban na lamang sa mga itinuturing na ‘extreme cases.’
- Latest