6 pulis sa Jemboy case, pinaaaresto na ng korte
MANILA, Philippines — Ipinaaaresto ng Navotas City Regional Trial Court ang anim na pulis na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar matapos makitaan ng probabble cause sa isinampang kasong murder.
Sa kautusan ni Navotas RTC Branch 286 Presiding Judge Pedro Dabu, Jr., kabilang sa pinaaaresto ay sina Executive Master Sgt. Roberto Dioso, SSgt. Gerry Maliban, SSgt. Antonio Bugayong, Jr., SSgt. Nikko Esquillon, Cpl. Edmard Blanco at Pat. Benedict Mangada.
Dahil murder ang kaso walang piyansang inirekomenda ang korte laban sa anim na pulis.
Lumilitaw sa resolution na isinumite nina Assistant City Prosecutor Arvin Carael at City Prosecutor Armando Cavalida na pinagbabaril nang walang habas ng mga akusado si Baltazar na nagresulta sa pagkamatay nito noong Agosto 2 sa Brgy. NBBS Kaunlaran.
Tama sa ulo at katawan ang tinamo ni Baltazar matapos na mapagkamalan ng mga pulis na si Reynaldo Bolivar na suspek sa isang shooting incident.
Sinadyang pumuwesto ng pulis sa vantage point upang hindi makadepensa si Baltazar. Matatandaang pinasisibak na ng National Capital Region Police Office ang anim na pulis matapos na irekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service.
- Latest