Positivity rate ng COVID-19 sa NCR, tumaas sa 5.6% - OCTA
MANILA, Philippines — Tumaas ang positivity rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) batay sa latest report ng OCTA Research Group.
Ayon sa grupo, tumaas sa 5.6 percent ang positivity rate sa rehiyon nitong June 22 na mas mataas sa 3.9 percent noong June 18.
Ang positivity rate ay ang dami ng mga indibiduwal na napapatunayang nagpositibo sa COVID- 19 makaraang sumailalim sa COVID test.
Samantala, lumampas naman sa 5 percent ng World Health Organization (WHO) benchmark ang positivity rate sa lalawigan ng Batangas, Cavite, Iloilo, Laguna, at Rizal.
Ang positivity rate sa Batangas ay tumaas sa 8.3% mula sa 1.2% samantalang ang Rizal ay tumaas sa 8.2% mula sa 6.3% habang ang Laguna ay tumaas sa 7.1% mula sa 3.2% at ang Cavite ay nakapagtala ng 5.7 positivity rate mula sa dating 3.6% habang ang Iloilo ay nagtala ng 5.6% mula sa dating 4.4 %.
Kaunti lamang ang naitaas sa positivity rate ng Benguet na nakapagtala ng 2.7 percent mula sa dating 2.2%.
- Latest