LRT-1 operations, suspendido ngayong Linggo
MANILA, Philippines — Inianunsiyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na suspendido muli ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ngayong Linggo, Enero 30, 2022.
Sa abiso ng LRMC, na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, nabatid na layunin nitong bigyang-daan ang completion o pagtatapos ng isinasagawa nilang upgrade sa signalling system ng tren.
Inaasahan namang magbabalik ang normal na operasyon ng LRT-1 sa Lunes, Enero 31, 2022.
“Normal operations of LRT-1 will resume on January 31, 2022”, dagdag pa ng LRMC.
Matatandaang sinimulan ng LRMC ang pagpapalit ng signalling system ng LRT-1 noong Nobyembre 28, 2021 at muling ipinagpatuloy noong nakaraang Linggo, Enero 23.
Ang railway signaling systems o ang ‘traffic light system’ para sa railway ay ginagamit para idirekta ang railway traffic at mapanatiling maayos at ligtas ang operasyon at biyahe ng mga tren.
Humiling naman ng pang-unawa si Enrico Benipayo, LRMC Chief Operating Officer, sa mga pasahero ng LRT-1 at sinabing ito ay para rin naman sa kanilang maayos na pagbiyahe.
Ang LRT-1 ay bumabagtas mula Roosevelt, Quezon City hanggang sa Baclaran, Parañaque City.
- Latest