Dolomite Beach sarado muna sa Undas

Sinabi ni Environment Undersecretary Jonas Leones na ban na rin ang mga batang may edad 11-taong gulang pababa sa dolomite beach. Ito ay sa kabila ng naunang pahayag na 12-taong gulang pababa ang hindi pagbabawalan sa artipisyal na beach.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Tulad ng mga sementeryo, isasara rin pansamantala ang Manila Bay Dolomite Beach ngayong Undas mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 bilang pagtugon sa advisory ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Sinabi ni Environment Undersecretary Jonas Leones na ban na rin ang mga batang may edad 11-taong gulang pababa sa dolomite beach. Ito ay sa kabila ng naunang pahayag na 12-taong gulang pababa ang hindi pagbabawalan sa artipisyal na beach.

Ikinatwiran ni Leones na ang pagpayag sa mga nasa edad 12 taong gulang ay base sa desisyon ng pamahalaan na bakunahan ang naturang age group hanggang 17-taong gulang.

Hindi naman umano hi­hingan ng identification card ang mga bata ngunit nakiusap siya sa mga magulang na maging responsable at alalahanin ang kalusugan ng kanilang mga anak laban sa mapanganib na COVID-19 na bagama’t bumababa na ang bilang ay patuloy pa rin namang nananatili.

Makaraan ang mga batikos maging galing sa Department of Health (DOH), sinabi ni Leones na magpapatupad na sila ng mahigpit na ‘crowd control measures’ kabilang ang paglalaan lamang ng ilang oras para manatili sa beach ang mga bibisita bago palitan ng panibagong grupo.

“Gagawin natin for our purposes, we will just be limi­ting the number of people to 4,000 to 5,000 in the dolomite area at a given time,” ayon kay Leones.

Magkakaroon rin umano ng espesyal na lane para sa mga taong may kapansanan (PWDs), senior citizens at mga buntis.

Show comments