Fuel subsidy, direktang ibigay sa drivers

MANILA, Philippines — Inirekomenda ng transport group na Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) sa pamahalaan na direkta nang ipagkaloob sa mga public utility vehicle (PUV) drivers ang fuel subsidy na kanilang ipagkakaloob, sa halip na padaanin pa sa mga operators upang matiyak na magagamit ito sa mga PUVs.

“Ang rekomendasyon namin ay direkta na dapat sa driver, ‘wag nang ibigay sa operator, dahil ‘pag ibigay na naman sa card ng operator eh baka hindi na naman ‘yung jeep ang malalagyan ng krudo, baka na naman ‘yung Pajero nung may-ari ng jeep, siya na naman ang magkakarga doon sa card kung sa card ilalagay,” ayon kay LTOP national president Orlando Marquez.

Nitong Lunes, naglaan ang pamahalaan ng P1 bil­yon na ire-release sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa cash grants sa PUV drivers.

Inaasahang sakop ng naturang halaga ang may 178,000 PUV drivers para sa natitira pang buwan ng taong ito.

Ipapamahagi umano ito gamit ang sistema ng Pantawid Pasada Program.

Nauna rito, humihingi ang mga transport groups ng taas pasahe dahil sa siyam na sunud-sunod na linggo nang pagtataas ng presyo ng  petrolyo.

Malaunan ay pumayag ang mga ito na ipagpaliban ang hiling nilang taas pasahe dahil sa fuel subsidy.

Show comments