^

Metro

LGUs sa Metro Manila kanya-kanyang pareserba ng bakuna

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon
LGUs sa Metro Manila kanya-kanyang pareserba ng bakuna
Kanya-kanyang pareserba ang ibat-ibang local goverment units (LGUs) sa Metro Manila ng COVID-19 vaccine mula sa pharmaceutical giant na AstraZeneca buhat sa United Kingdom para sa kanilang mga constituents.
AFP/Vincenzo Pinto

Astrazeneca ‘mabenta’

MANILA, Philippines — Kanya-kanyang pareserba ang ibat-ibang local goverment units (LGUs) sa Metro Manila ng COVID-19 vaccine mula sa pharmaceutical giant na AstraZeneca buhat sa United Kingdom para sa kanilang mga constituents.

Nagkakahalaga ang mga Ito ng mula sa multi-milyon hanggang sa bilyong piso kumporme sa budget ng mga lungsod.

Sa Pasig, San Juan at Mandaluyong

Sa Pasig City , sinabi ni Mayor Vico Sotto, 400,000 doses ng bakuna na nagkakahalaga ng P100 milyon ang inorder   mula sa AstraZeneca.

Gayunman, wala pang eksaktong petsa kung kailan maidedeliber ang mga bakuna sa lungsod.

Bukod naman sa AstraZeneca, bibili rin aniya sila ng mga bakuna mula sa iba pang vaccine makers sa sandaling mabigyan ng pagkakataon. 

Sa San Juan, sinabi naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na lumagda na rin sila ng tripartite agreement sa British-Swedish pharmaceutical firm na AstraZeneca at sa national government para sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19 nitong Linggo.

Ayon sa alkalde, layunin nitong mabigyan kaagad ng bakuna ang mga residente sa lalong madaling panahon.

Hindi naman binanggit ni Zamora kung ilan ang doses ang sangkot sa kasunduan.

Gayunman,  sinabi nito na naglaan ang city government ng P50 milyon para sa pagbili ng mga bakuna para sa kanilang constituents.

Lumagda na rin ang Mandaluyong City government, sa pangunguna ni Mayor Menchie Abalos, ng tripartite agreement sa pagitan ng AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines, Inc. at ng national government para sa maagang pagbili ng COVID-19 vaccine na may halagang P200 milyon.

Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod noong Enero 6 ang Resolution No. 2961, Series 2021 kung saan pinapayagan si Abalos na pumasok, lumagda, at magpatupad ng isang multilateral agreement sa AstraZeneca.

Sa Maynila , Caloocan, Navotas

Ang Maynila ay bibili ng may 800,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine.

Bukod dito, bibili rin ang Maynila ng 12 refrigeration units para pag-imbakan ng iba’t ibang bakuna mula sa AstraZe­neca, Pfizer, Moderna, Johnson & Johnson, Novavax, Sinovac at iba pa.  Ilalagay ito sa ipatatayo ng lokal na pamahalaan na cold storage facility sa Sta. Ana Hospital.

Pormal na ring lumagda ng kasunduan ang Caloocan City sa AztraZeneca para sa bibilhing 600,000 doses ng COVID-19 vaccine na bahagi ng vaccination program ng lokal na pamahalaan.

Dahil dito, sinabi ni  Caloocan City Mayor Oca Malapitan tiyak nang mabibigyan ng bakuna ang mga residente ng lungsod  upang maproteksiyunan laban sa virus.

 Nagkakahalaga ng P125 milyon ang nasabing mga  bakuna habang may naka antabay pang P1 bilyon additional fund para sa pagbili ng bakuna. 

Maging ang Navotas ay pumirma na rin sa kasunduan  si Mayor Toby Tiangco sa AstraZeneca para sa pagbili ng may 100,000 na bakuna.

Sa Quezon City

May inisyal na 1.1 million doses ng  AstraZeneca vaccine ang tatanggapin ng QC government para sa COVID-19.

Ito ay makaraang lumagda ang city government  sa isang tripartite agreement sa pagitan ng national government sa pamamagitan ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) at AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines. 

“This is part of the plan of our Task Force Vax to Normal. Now that we have secured 1.1 million doses, we will continue talking to other pharmaceutical companies to secure more vaccines for QCitizens to complement the national government’s goal. When more QCitizens are vaccinated, we can soon achieve herd immunity,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.

Sinabi ni Belmonte na ang dagdag na alokasyon ng  AstraZeneca vaccines na inaasahang darating sa third quarter ngayong taon ay magpapahusay sa  vaccination program ng lokal na pamahalaan at mas maraming makikinabang sa  priority sectors na kinilala ng  World Health Organization. 

Las Piñas, Makati, Muntinlupa at Taguig

Pumirma na rin ng kasunduan ang mga Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas at Makati sa pagitan ng British drug maker AstraZeneca para makatiyak ng suplay ng kanilang COVID-19 vaccine sa oras na maaprubahan na ang kanilang ‘emergency use authorization (EUA)’ sa bansa.

Sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda “Mel” Aguilar na nasa 300,000 doses ang inilaan nilang alokasyon sa ilalim ng COVID-vaccination program ng lokal na pamahalaan. Inaasahan na darating ang suplay ng bakuna sa buwan ng Hulyo ngayong taon.

Ipaprayoridad sa Las Piñas na mabakunahan ang kanilang mga medical at iba pang frontliners, mga miyembro ng Las Piñas City Police, senior citizens, ibang sektor na mas may pangangailangan ng bakuna at mga mahihirap na residente.

Nasa P200 milyong pondo ang inilaan ng Las Piñas sa vaccination program at makikipagtulungan sa nasyunal na pamahalaan para mabigyan ng libreng bakuna ang mga residente ng Las Piñas.

Isang milyong doses naman ng AstraZeneca vaccine ang inorder ni Makati City Mayor Abigail Binay makaraang maglaan ng P1 bilyong pondo para rito.  Sinabi ni Binay na sa naturang bilang ng order, makatitiyak na mababakunahan ang lahat ng residente ng lungsod maging hindi residente ngunit may-ari ng mga establisimiyento at may negosyo sa siyudad.

Sinabi pa ng alkalde na tinatapos na rin ang kasunduan sa iba pang vaccine manufacturer para madagdagan ang suplay ng bakuna sa lungsod.

Samantala, inihayag na rin ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi at Taguig City Mayor Lino Cayetano ang pagpirma ng kontrata sa AstraZeneca para mabigyan din ng suplay ng bakuna ang kani-kanilang lungsod.  Hindi naman naisaad kung ilan ang suplay na inilaan sa ilalim ng kanilang mga kasunduan. —Danilo Garcia , Angie Dela Cruz, Doris Franche

 

vuukle comment

COVID-19 VACCINE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with