SMC, nag-sorry sa mga biktima ng Skyway accident
MANILA, Philippines — Humingi kahapon ng paumanhin si San Miguel Corporation (SMC) president at chief operating officer Ramon Ang sa mga biktima ng pagbagsak ng steel girder ng Skyway Extension project site sa Cupang, Muntinlupa City.
Kasabay ng kanyang personal apology, tiniyak ni Ang na sasagutin ng SMC ang mga pangangailangan at gastusin ng mga biktima sa insidente bagama’t ang nangangasiwa sa nasabing pagpapagawa ng proyekto ay ang project contractor na EEI Corporation.
“Even with a contractor handling construction, ultimately, we are responsible for the welfare of those who were affected. I would like to personally apologize to the victims and their families, as well as to our larger community in Muntinlupa,” sabi ni Ang.
Nangako rin si Ang na masusing iimbestigahan ang insidente, at tiyakin ng SMC at ng kontratista nito na EEI na mas mahigpit pa ang ipatutupad na pag-iingat sa project site.
Nakikipagtulungan na rin aniya sila sa mga awtoridad upang malaman ang naging sanhi at anumang kapabayaan at gagawa ng mga hakbang upang hindi na ito maulit pa.
Ang insidente ay naagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat ng apat nang tumagilid ang isang crane habang lumilipat ng posisyon at tumama sa isang steel girder na sanhi ng pagbagsak nito sa mga sasakyan.
- Latest