4-palapag na dorm para sa mga babaeng bilanggo, ipinagkaloob
Pangako ni Joy Belmonte tinupad
QUEZON CITY, Philippines — Tinupad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kanyang pangako na mabigyan ng mas maayos at maluwag na bilangguan ang mga kababaihang preso sa QC Women’s Dormitory sa loob ng Kampo Karingal.
Ito ay makaraang iturn-over na ng QC government kahapon ng umaga sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang apat na palapag na dormitoryo para sa mahigit 1,000 mga babaeng bilanggo.
Bunga nito, higit na komportable ang mga Person Deprive Liberty (PDL) sa bago nilang kulungan na may mga bagong malalambot na higaan, maayos na palikuran, kusina, maayos na bentelasyon at lugar ng dalaw ng kanilang mga kaanak.
Ang bagong dormitory ay tinanggap ni BJMP Dir. Allan Iral mula kay Mayor Belmonte sa isang simpleng okasyon.
Bukod dito, nagkaloob din ng livelihood programs ang QC govt sa mga babaeng bilanggo ng 30 units ng training table, 226 units na mga monoblock chair, dalawang unit ng magnetic white board at gamit sa pagtatahi na nagkakalahaga ng mahigit P1 milyon.
Kada linggo ay inaasahang kikita ang isang bilanggo na mahigit P1,000 mula sa livelihood program na maaaring panustos sa arawan nilang pangangailangan at ng pamilya.
- Latest