Grabeng trapik inireklamo: East Avenue sa Quezon City ginawang imbakan ng ini-impound na sasakyan
MANILA, Philippines - Inireklamo kahapon ng mga motorista ang nara-ranasang matinding trapik sa kahabaan ng East Avenue Quezon City dahil sa mga nakaparadang mga nahuling colorum vehicles sa harap ng gusali ng Land Transportation Franchising Regulatory Board(LTFRB) sa nabanggit na lugar.
Ayon sa mga motorista, hirap nang makadaan ngayon sa East Ave particular sa tapat ng LTFRB dahilan sa halos naukupahan na ng mga na-impound na sasakyan ng ahensiya ang kahabaan ng kalsada.
Sinasabing dalawang outer lanes ng East Avenue ang na-okupahan na ng hindi bababa sa 20 kolorum na sasakyan na inimpound ng LTFRB at nailalagak sa kalsada dahilan sa kawalan nila ng impounding area. May anim na sasakyan ang naiimpound ng LTFRB main office sa kada araw dahil walang prangkisa, out of line, walang papales at gumagamit ng pekeng car plates.
Hindi rin naman agarang matubos ng mga may-ari ang kanilang sasakyan dahil sa sobrang taas na multa para dito.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order ng DOTC, umaabot sa P6,000 ang penalty ng ma-iimpound na motorsiklo, P50,000 – colorum na pampasaherong jeep, P120,000 colorum na taxi, P200,000 para sa colorum van at P1 million para sa colorum bus.
- Latest